The Panti Sisters, Open & Lola Igna (OlazoxMartinez)
The Panti Sisters
Nanguna sa takilya ang pelikulang The Panti Sisters na pinamatnugatan ni Jun Lana sa unang araw nito sa Pista ng Pelikulang Pilipino ngayong taon. Pinagbidahan ito nina Paolo Ballesteros bilang si Gabriel Panti, Martin del Rosario bilang si Daniel Panti, at Christian Bables bilang si Samuel Panti, kasama ang mga beteranong artista sa industriyang pelikula na sina John Arcilla bilang si Don Emilio y Panti at Carmi Martin bilang si Nora Panti. Kilala si Jun Lana sa paggawa ng mga LGBTQ + -themed films katulad na lamang ng pelikulang ito, Ang Dalawang Mrs. Reyes, at Bakit Lahat ng Gwapo ay may Boyfriend? Ang director din na ito ang pinakabatang nagkamit ng Palanca Hall of Famer at nagwagi ng 11 Palanca Awards for Literature. Pinangalanang crowd favorite ang pelikulang ito na siya ring nagwagi ng the Audience Choice award, Best Production Design at napanalunan naman ni Martin del Rosario ang Best Actor. Ang masasabi namin sa pelikulang ito ay ito yung klase ng pelikulang Pilipino na karapat-dapat ialok at ipanood sa masang Pilipino. Bagaman may mga eksena sa pelikula na hindi kinakailangan ilagay o idagdag pa sapagka’t ito’y hindi na tumutugma o kaya nama’y hindi nakatutulong sa buong istorya ng kwento. Maraming nakakatuwa at mga linyang nakakapanlambot ng puso at nakakapagpasigla ng damdamin. Umusisa ito ng mga napakaraming isyu sa lipunan na talaga namang napapanahon at kailangan bigyan ng pansin gaya ng paglala o tumitinding diskriminasyon at pagkamuhi laban sa mga taong parte ng komunidad ng LGBT, na ang layunin lamang ay matanggap sila ng husto at mapakitunguhan ng nararapat na hindi na dapat pa nilang ipaglaban ang kanilang mga karapatan sapagka’t sila rin ay tao na dapat nirerespeto at tinitignan bilang kapantay lamang o katulad nating lahat. Tinalakay din sa istorya ng pelikula ang mga naging masamang epekto ng patriarchy na binigyan katauhan ni John Arcilla bilang si Don Emilo y Panti na kanilang ama. Mahusay ang kanilang mga pagganap at makikitaan ng postibong character development ang bawat pangunahing karakter. Sa huli ay nakamit ang inaasam na pagtanggap at respeto na kanilang matagal nang hiling mula sa kanilang ama na humantong sa napaka emosyonal o madamdaming pagresolba ng mga isyu sa istorya. Kahit na nahahawig man ito sa mga gawa ni Wenn V. Deramas ngunit makikitaan mo ito ng mas malawak at mas malalim na substance sa kabila ng mga nabanggit na konting deperensiya na aking nakita na maaari namang idebelop pa ng husto para sa mas magadang pagkukwento ng istorya sa pelikula. Hindi man ganoon kabibigat o kilala ang mga pangunahing artista, ang importante ay nabibigyan ng hustiya ang karakter na ginagampanan at buong husay na umaarte ang mga ito. Sana’y maunawaan at maintindihan ng mga tao ang kahalagahan ng pag-aanalisa, na ang pelikula ay hindi lamang para umaliw at manglibang ng isang tao, ito ay may pinahihiwatig kung hindi man para sa sariling katauhan, maaring ito ay nilalan sa lipunan na ating kinabibilangan.
Open
Ang pelikulang pinamagatang Open sa direksyon ni Andoy Ranay ay isa sa mga pelikulang kasapi sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na kung saan nagtatanghal ang iba’t ibang pelikula na obra ng mga mahuhusay na direktor sa larangan ng Indie Films. Ang producer ng pelikulang ito ay ang Black Sheep Productions. Kung saan pinasikat din ang mga pelikulang “Alone Together”, “To Love Some Buddy” at ang "Exes Baggage". Ang Direktor ng pelikula na si Andoy Ranay ay walang putol na dinala ang screenplay na isinulat nina Wanggo Gallaga, Dwein Baltazar, at Katherine Labayen na batay sa kuwentong nabuo ni Wanggo. Si Direktor Andoy ay marami na ring pelikulang ipinalabas katulad ng Diary ng Panget, Sosy Problems, When the Love is Gone, Trophy Wife, Talk Back and You’re Dead, Hopeless Romantic at sa kasalukuyan ay ang Open. Nagkakaroon ng pagdiriwang ang Philippine Cinema na kung saan iminumungkahi sa bawat istorya ng pelikula ang bawat karanasan, kultura, kaugalian ng bawat Piipino. Ito ay maaaring mapanood sa bawat sinehan sa buong Pilipinas sa loob ng isang linggo. Ang kaganapang ito ay proyekto ng Film Development Council of the Philippines sa pakikipagtulungan ng National Cinema Association of the Philippines na ang PPP ay lumikha ng isang kultura ng suporta mula sa mga tagapanood at kabilang din ang FDCP na nagnanais na ipagpatuloy ang tradisyong makisali ang mga Pilipino sa buong bansa na suportahan ang mga lokal na pelikula. Ang pelikulang ito ay naglalaman ng iba’t ibang damdamin na nakapaloob sa bawat karakter ng mga magigiting na aktor sa ating bansa sa panahon ngayon. Pakay ng pelikulang ito na maging bukas ang isipan ng bawat manonood sa malayang pakikipag relasyon. Ang palabas na OPEN ay talagang kakaiba at bago sa takilya dahil malawak ang konsepto at imahinasyon ng mga manunulat kumpara sa mga typikal na romantikong palabas kabilang pa ang mga magagaling na artista sa panahon ngayon na ipinamalas ang kanilang mga karakter sa kwento. Kabilang na rito ang bidang karakter ni Arci Munoz bilang si Rome. Ang karakter ni Rome ay nagpapahayag ng kasiyahan sa pakikipag relasyon sa loob ng labing apat na taon sa kaniyang nobyo na si Ethan. Sa pag oobserba ko sa karakter ni Rome, masasabi ngang kampante siya sa kanyang buhay kasama si Ethan. Masyadong focus and buhay ng dalaga sa pag iisip na pakasalan sya ng kanyang minamahal kahit minsa’y naiinip ng maghintay ngunit patuloy pa rin na umaasa. Ang Karakter ng pangalawang bida ay walang iba kundi si Ethan ang nobyo ni Rome. Tunay ngang magkalayo ang pag uugali ng dalawang magka relasyon ngunit kahit pa maraming pagkakaiba ay nagtagal sila at umabot pa ng maraming taon ang kanila pagsasamahan. Mabalik tayo kay Ethan, maliban sa sya ay nobyo ng unang bida, masasabi ngang sa karakter ni JC Santos na talagang kagila gilalas ang kaniyang ipinakitang talento sa pag arte. Ang pag uugali ni Ethan base sa pelikula ay isang “Happy Go Lucky” man. Dito maipapakita ang pagiging kampante nya sa relasyon nila ni Rome. Kung saan sila ay live in sa loob ng ilang taon ngunit sila ay hindi kasal. Ipikikita ng karakter ni Ethan ang kawalang interes nya na pakasalan ang nobyo sa kadahilanang ito raw ay gastos lamang at hindi naman kailangan madaliin. Tunay ngang nauuso ang ganitong uri ng relasyon lalo na sa mga kabataan ngayon. Na mas iniisip na ipagpaliban muna ang pagpapakasal sa karelasyon dahil ito raw naman ay darating sa tamang panahon o kaya naman ay dahil gastos lang ang pagpapakasal. Marami na nga sa Pilipinas ang may ganitong uri ng kasunduan. Ito na nga ay resulta ng kawalan ng kamalayan ng bawat tao sa lipunan kung ano ang itinuturo ng batas at bibliya ukol sa pagpapakasal. Masyadong komplikado ang ganitong uri ng set-up dahil kayo ay mukhang ganap ng mag asawa dahil kayo ay nasa iisang tirahan ngunit ang mga napundar o pag aari ng iyong karelasyon ay hindi mo pwedeng angkinin. Ayon sa batas, ang bawat hindi legal na relasyon ay walang matatawag na conjugal property, kung ano man ang mga napundar nila ng magkasama ay pwede lamang nila itong paghatian sa pamamagitan ng paghahati sa actual contribution. Itinuturo naman ng ng bibliya na bago mo makasiping ang isang tao ay dapat mo muna itong pakasalan sa harap ng Diyos upang masabi na ikaw ay tapat at talagang sya ay mahal mo. Bilang respeto sa mga magulang ng babae at lalong lalo na sa mata ng Panginoon. Sa kasamaang palad ay hindi na nga nasusunod itong mga alituntunin ukol sa pagpapakasal dahil sa modernisasyon ng mundo. Katulad nina Ethan at Rome marami rin sa bansa ang may ganitong kalagayan ukol sa pakikipag relasyon, kaya’t matalino ang lumikha ang pelikula dahil marami sa manonood ang talagang naiugnay ang kalagayan ng dalawalang bida sa kaligayan ng kanilang buhay sa realidad. Ang kwentong ito ay hindi lamang nag popokus sa modernong pagsasama ng magka-relasyon, sapagkat sa kalagitnaan ng pelikula ay may gusto si Ethan na subukan nila ni Rome. Ito na nga ay ang Open -relationship. Masasabing sa pelikula, si Ethan ay nanlalamig na sa kaniyang nobyo marahil siguro ay matagal na rin silang nagsasama kaya hindi na iba si Rome sakaniya kaya dito nya naisipan na gawin nila ang bagay na hindi normal na ginagawa ng bawat magka relasyon. Ang open-relationship ay ang patuloy na pagiging relasyon sa iyong nobyo/nobya ngunit malaya ka ring makipagtalik ng sa iba’t ibang tao. Nakuha ni Ethan ang ideyang ito sa bestfriend nyang si Archie na si Vance Larena sa totoong buhay. Nagsimula ito ng Makita ni Ethan si Monique o si Ivana Alawi sa totoong buhay na nobya ni Archie sa pelikula, nahuli ni Ethan na si Monique ay may kahalikang babae sa baba ng isang condominium at pinagbibintangan na isa itong lesbian. Matapos ang pangyayaring iyon, Dali dali niyang kinita si Archie para sabihin ang nakita nyang nagbigay gulat sakaniya. Ngunit sa pagsambit pa lamang nya ng kanyang sinabi ay agad natawa ang kaniyang matalik na kaibigan. Dugtong ni Archie, “ Dude my girlfriend is not gay, she’s bisexual. She’s not cheating on me. We’re in a open relationship. Where she can entertain anyone she wants, me as well ” Agad namang ikinagulat ito ni Ethan. Dito na naging kaabang abang ang bawat parte ng pelikula. Dito na nagustuhang subukan ni Ethan ang ganitong uri ng set-up kaya naisip nyang gawin din nila to ni Rome marahil sa kadahilanang sya ay naaakit sa katrabaho nyang si Erika na si Ina Reymundo sa tunay na buhay. sinabi niya ito kay Rome at noong simula ay ayaw pa ng kanyang nobya na sumang ayon sa kagustuhan nya ngunit nakikita ni Rome na gusto talaga ni Ethan ang ideya ng open-relationship kaya’t sa huli ay pumayag na rin ito. Nararamdaman na ng dalaga ang pagkawala ng gana ni Ethan sakanya at para na lamang masalba ang kanila relasyon, pumayag na siyang subukan ito. Mayroon kasunduan si Rome at Ethan ito ang makikipagtalik pero sa mga hindi lamang nila kakilala, walang pagmamahal na kasali, iisang beses lamang mangyayare sa iisang tao. Ngunit si Ethan ay binaliwala o hindi agad sinunod ang kanilang usapan nila ni Rome nakipagtalik agad siya sakanyang boss na si Erika at ilang beses nila itong ginawa. Samantalang si Rome ay sinubukan ding gawin kaya’t nakipag kita siya at nakipag date sa iba subalit hindi nya ito nagustuhan, hindi niya ito magawa dahil sa labis niyang pagmamahal kay Ethan. Noong nagkaron na siya ng lakas ng loob na makipag talik sa iba dahil sa lungkot na ipinararamdam ni Ethan pagkatapos non ay diring diri siya sa kanyang sarili. Noong sinabi ni Ethan kay Archie ang tungkol sa nangyayare sakanila ni Erika ay sinabihan agad ni Archie na itigil na dahil mayroon silang usapan at kasunduan ni Rome na hindi sila makikipag talik sakanilang kakilala ngunit hindi nakinig si Ethan. Ngunit ng tumagal, tunay ngang nanawa si Ethan kay Erika dahil hinahanap na nya ang pag aalaga na si Rome lang nakapag papadama. Tumangis ang pagsisisi ni Rome sa Ideya nyang pasukin ito. Kaya naisipan nyang ayain na ng kasal si Rome. Sa kasamaang palad ay tumanggi si Rome sa alok niyang ito. Nagkakaroon na rin si Rome ng duda sa kanilang relasyon kung maibabalik pa ba ito sa dati nilang pinagsamahan. Noong dumayo sila sa isang celebrasyon na andoon si Archie at Monique at nadulas si Archie sa sasasbihin at pinigilan ni Monique ngunit ang susunod na eksena ay galit na galit at makikita sa mata ni ni Rome ang kanyang sakit na nararamdaman kay Ethan. Sa huli ay nagsisi ng sobra si Ethan sakanyang ginawa.Si Rome ay nakipag hiwalay at ang pagtatapos ng pelikula’y punong puno ng aral sa bawat manonood na hindi angkop ang ganitong uri ng pakikipag relasyon para sa lahat, dahil alam naman nating ang relasyon ay para sa dalawang taong nag iibigan lamang. Ang pagibig dapat ay tapat, mabuti, matiisin, matiyaga at mapagpasensiya na dapat ibigay sa iisang tao lamang. Kaya ang pagiging bukas sa isang relasyon ay hindi para sa lahat ng magkasintahan dahil kayo’y dapat may parehong malawak na pagiisip at papang-unawa at higit sa lahat kagustuhan niyong dalawa na magpatuloy ito. Bilang na sa isang relasyon marami kang matututunan sa palabas na ito. Una, Ituturo sa'yo ng pelikula na 'to na hindi porket mahal na mahal ka ng isang tao ay may karapatan kang mag reklamo at humingi ng mga bagay na kulang sa'yo. Pangalawam hindi sagot ang pagsisinungaling at pag gawa ng masama para maging maayos kayo ng partner mo. Pangatlo, pahalagahan mo yung taong laging nandyan at laging gagawin lahat para hindi ka iwan simula sa una pa lang, at yung sasamahan kang gabayan tumanda sa mga gagawin mong tama at mali. Pang apat bago ka magloko, magsinungaling, magtago sa iyong kasintahan isipin mo muna kung ano ang kanyang mararamdaman ng iyong kasintahan, maari itong ikahiwalay niyo o hindi niya pag tanggap sayo at higit sa lahat matauhan siya sayo dahil sa ginawa mo sakanya. Kaya wag na wag kang gagawa ng mga bagay na pagsisihan mo sa huli at alam mong hindi niya magugustuhan dahil sinisira mo lamang ang inyong relasyon at ang tiwala niya sayo. Kailangan nating isaisip na ang bawat relasyon ay isang mabigat na “commitment” sa isang tao na pakareho mo. Dapat nating isipin palagi ang kalalabasan ng bawat desisyon at sa loob ng ating mga desisyon ay dapat na alam ng ating kapareho. Tayo ay nagiging iisa. Sapagkat gusto mong maging kapareho ang isang tao dahil gusto mo rin syang mapangasawa. Yun ang tunay nadepinisyon ng totoong pagibig. Ngunit darating din sa punto ng pag iibigan na ang isa ay mapapagod at magsasawang magbigay ng pagmamahal dahil sa mga pagkakamali at kung ano-anong mabigat na dahilan. Matuto tayo sumuko at mag pahinga. Hindi masamang bumitaw sa mga bagay na pinipigilan kang maging masaya. Mahalin mo ang iyong sarili at mag simula ng bagong buhay na mayroong pag asa. Maging wais sa mga taong nagpapakita sayo ng admirasyon dahil hindi lahat ng tao ay may sinceridad sayo. Tunay nga na Malaki ang naiambag ng Open sa aking pag iisip na pwede kong magamit. Mga aral na pwede kong ibahagi sa iba at iaplay sa aking sarili upang maging wais sa pagpili ng taong gusto kong makapareha pagdating sa panahong ako’y handa na.
Lola Igna
Ang pelikulang Lola Igna ay isa sa mga ipinalabas sa Pista ng Pelikulang Pilipino ngayong taon. Ito ay pinamatnubayan at isnulat ni Eduardo Roy Jr. na siyang nanalo bilang best film at pinagbidahan ito nina Angie Ferro na siyang nagkamit ng best actress, bilang si Lola Igna, kasama nito sina Yves Flores bilang si Tim, Maria Isabel Lopez bilang si Nida at Meryll Soriano bilang si Ana, mga pangunahing karakter sa pelikula. Payak lamang ang pamumuhay ni lola igna at makikitang mag-isa sa buhay sapagkat siya lamang ang tila nakatira sa simple o pangkaraniwang kubo na iyon na malapit sa isang sakahang kaniyang pagmamay-ari ngunit kalaunan ay ipinakita na mayroon pala itong pamilya, apo na si Nida at kaniyang apo sa tuhod na si Bok na anak ni Nida at si Tim na anaka naman ni Ana. Nakakapukaw ng atensiyon na ito na lamang ang natitira niyang kamag-anak. Sa pagpapatuloy ng kwento, naipabatid sa mga manonood na ang karakter na si Lola Igna ay maaring makapagkamit ng titulo na "the oldest living grandmother in the world." Pinagkaguluhan at nagging sentro ng pansin si Lola Igna na kaniya namang hindi naiintindihan kung bakit nga ba, kung bakit bigla na lamang lahat ay nagbibigay pansin sa kaniya. Sa pag-usad ng istorya, natuklasan namin ang mga saloobin at tinitimping damdamin ni Lola Igna. Sa bawat araw na kaniyang itinatagal sa mundong ito ay lalo siya nahihirapan at nalulungkot. Ang mabuhay ng ganito kahaba o katagal ay maituturing na biyaya o grasya at isang malaking sumpa. Iniisip namin sa mga sandaling iyon na ayaw namin siyang pumanaw muna hindi dahil sa titulong maaari niyang makuha subalit sa kadahilanang minamahal siya sa kanilang baryo. Hindi siya mahirap mahalin o unawain ngunit alam naming sa aming mga sarili na kami ay nagiging makasarili dahil sa kahilingan naming iyon ngunit napagtanto naming sa aming mga sarili na dapat bang mamuhay ka para sa ibang tao? Kung ang gusto mo ay mamahinga na ng mapayapa, magpahinga sa lahat ng sakit na nadarama. Ilang kaibigan at mahal sa buhay na ang kaniyang nasaksihang binawian ng buhay at inilibing, ilang lamay na ang kaniyang pinuntahan, ilang beses pa ba siya makararamdam ng labis na kalungkutan? Kung ilalagay mo ang iyong sarili sa kaniyang katauhan, tunay na nanaisin na lamang na hilingin na sa diyos na ika’y kunin na at pagpahingahin sa pangungulila na kaniyang matagal ng nadarama. Nahihirapan man tanggapin ng kaniyang pamilya ang kaniyang kagustuhan, alam nilang hindi mahirap intindihin ang sitwasyon nito. bakit nga ba hindi na lamang kinuha iyong mga gusto nang mamahinga? Katulad ni Lola Igna. May mga dapat pa ba siyang gawin sa mundong ito kaya hindi pa siya hinahayaang mawala? Ang pinakahuling eksena sa pelikula ay talaga agaw-pansin at epektibong paraan upang magnilay-nilay o mag-isip ng mas malalalim upang unawain ang madamdamin at puno ng emosyon na ekspresyon ni Lola Igna. Siya lamang ay nakatitig sa mga manonood at walang sinasabi ngunit ang mga mata nito’y nangungusap o siyang nagsasalita at nagtatanong para sa kaniya. Hanggang kalian pa ba? Ito ang maaaring tanong niya.


















