Muli at Huli
Sabay nating ipikit ang mga mata, Bahagya tayong babalik sa simula ng katapusan. Para ipaalala sa isa’t-isa kung paano tayo naligaw sa sarili nating daan. Sisilipin natin kung paano tumigil ang pag-ikot ng mundo ko sa iyo at ng mundo mo sa akin. Panandalian nating susulyapan ang pagbitaw ng ating mga kamay.
Ang pag-alis sa yakap at halik ng mainit nating pag-ibig ay titingnan natin sa loob ng saglit. Ngunit sa pagkakataon na ‘to, pagmamasdan natin ang pinaka ‘di inaasahang katapusan natin… para tayo’y makalaya na. Hindi para masaktan… kundi para magpatawad. Hindi para bumalik… kundi para tanggapin.
Ang mga ‘di inaasahang luha na babagsak ay ‘di simbolo ng sakit. Ang mga pagluha na ito ay pag-papaalis sa natira pang mga tanong. Tuluyan na tayong makakawala sa pagkakabilanggo mula sa mga bagay na ‘di nabigyang linaw sa nakaraan. Mawawala na rin ang mga ala-alang nagmumulto sa atin.
Matapos ang paglalakbay ng ating diwa sa kahapong naiguhit natin. Iiwan natin ang isa’t-isa na may ngiti sa ating labi. Iiwan natin ang isa’t-isa ng walang pagsisisi. Aalis tayo at tuluyan nang kakalimutan ang mga bagay na naging pasakit. Iiwan natin ang isa’t-isa dala-dala ang kasiguraduhang kaya na nating matulog na ‘di napapanaginipan ang mga gunitang sinugatan ang puso.
Huminga tayo ng malalim. At sabay nating imulat ang ating mga mata, pagtapuin natin ang ating mga tingin. Sabay ikurba ang ating mga labi, hihingi ng tawad at magpapasalamat, pagtapos aalis tayo na walang kahit na anong dala na bigat sa dibdib, Bitbit natin ang pag-asa na sa kabila ng mga kakulangan ay magiging kumpleto uli tayo sa yakap na ng iba, sa piling na ng iba.
Muli. Ito na ang huli. Tuluyan nang isasarado ang istoryang pinagbidahan natin.












