Si Ako
Ala una ng umaga. Gising pa ang aking diwa. Tahimik ang paligid. Balot ng dilim ang kwarto. Tulog lahat ng tao. Walang kasama sa kwarto.
Hindi ko alam kung bakit, pero ganitong oras ako ginaganahan magtrabaho.
Ngunit wala naman akong sapat na rason para magpuyat. Wala naman akong kailangan ayusin. Walang trabahong kailangang asikasuhin.
Wala akong problemang kailangang intindihin.
“Wala nga ba?” bulong niya.
Bigla akong napatigil. Napapikit ang mata. Napabuntong hininga at napa-iling. Minsan nakakalimutan ko na nandiyan pala siya. Tahimik. Nagmamasid.
At sa tuwing papalapit ang araw na ito sa kalendaryo, siya rin ay unti-unting nagpaparamdam, kasabay ng malamig na hangin yumayakap sa aking likuran.
“Ano, wala nga ba?”, kaniyang bulong sakin. “Nandiyan ka na pala. Ang aga mo ata”, ang bulong ko pabalik.
At sa gilid ng aking kwarto malapit sa bintana, siya ay aking natanaw. Bahagyang nasisilayan ng matamlay na ilaw.
Habang siya ay lumalakad papalapit, unti-unting tumahimik ang ingay ng electric fan, nawala ang tahol ng mga aso, na tila kanyang tinigil ang mundo upang kausapin ako.
At pumasok sa isip ko ang rason ng aking pagpupuyat: pinipilit ng aking diwa patagalin ang oras upang iwasan ang kaniyang pagdating. Istupidong diwa.
“Kailan mo ako haharapin?” kaniyang tanong. “Hindi ngayon”, aking tugon.
“Pero kailangan mo isipin ang mga...”
“Hindi ngayon”
“Ano ba ang iyong nararamdaman ngay...”
“Hindi. Ngayon”.
“Haharapin mo ako. Hindi mo ko matatakasan. ”
“Hindi ngayon! Masyado ka maagang lumabas! Hindi ngayon! HINDI NGAYON!”, aking sigaw, habang tinatakpan ang sariling tenga.
Unti-unting bumalik ang ingay ng electric fan, ang alulong ng mga aso, ang kalampag ng pinto ng kapitbahay.
Ala una y medya. Ako’y matutulog na.











