Ako kasi si Ate
Dati, pinoproblema ko kung paano magkakaroon ng piso para makabili ng paborito kong chichirya. O kaya ng tatlong piso para makabili ng frosty na kulay red or yellow. O kaya ng limang piso para makabili ng nylon na tali saka mga beads para makagawa ng bracelet. O kaya ng sampung piso para makabili ng egg sandwich.
Dati 'yan. Noong estudyante pa lang ako, noong bata pa lang ako. Noong pwedeng-pwede pang manghingi ng pera sa magulang, sa mga tiyahin. Noong pwede pang mamulot ng mga piso, bete singko sa mga sulok-sulok.
Ngayon, pinoproblema ko na kung nakabayad na ba ako ng kuryente, ng tubig at ng WiFi; kung may grocery pa sa ref at kung may mga sabon at shampoo pa sa CR; kung nabili ko na ba ng attache case si bunso dahil nasira na yung ginagamit niya ngayon; kung nabigyan ko ba si kapatid ng hinihingi niyang pang-merienda; kung nabigyan ko na ba si Mama ng pambili ng bagong damit niya; kung may panglibre ba ako sa kanila para kumain kami sa labas dahil birthday ni Papa/birthday ni Papa sa heaven/ father's day at iba pa.
Hindi na piso, tatlo, lima o sampu lang. Nag times 2 times 2 times 2 times 2 na. Hindi ko na namalayan. Hindi na ako bata. Hindi na kao nag-aaral. Hindi na ako dapat humihingi. Tapos na ang maliligayang araw ko. Dapat ko nang paghirapan ang bawat kakainin at bibilhin ko. Kailangan ko nang ibalik sa aking magulang nang paunti-unti ang mga ginawa nila para sa akin.
Ako naman. Kasi napagod na sila. Kasi dapat magpahinga na si Mama at mag-relax na lang at magpaganda. Dapat ako naman. Ako kasi si Ate.
--
Realization hits me hard this morning. Haha.













