Medyo nadarama ko na ang simoy ng balik-eskwela. Kabi-kabilang post tungkol sa pagdating ng pasukan at pagtatago ng bakasyon. "B-A-K-A-S-Y-O-" nakakabitin no? Siguro, kung nakaka-angal lang ang mga punchline na ganyan, matagal na silang umangal dahil sa sobrang gasgas na. Ngunit kahit ganun, marami pa rin ang kumakagat sa ganung pakulo.
Nagtataka ako dahil nakapasa ako ng first year sa kolehiyo, ng hindi nagiging iregular. Tsambang natapos ko ang pasakit na Algebra at Trigonometry. Nakaraos sa mga code-ings at defense dahil sa mga matulunging kaklase. Napakaraming pagsubok na ang napagdaanan ko, unang taon palang 'yan sa kolehiyo. Eto nanaman, ang pangalawang taon, kakayanin ko pa kaya?
Madalas kong tinatanong sa sarili ko kung tama bang ganito ako kaaga nag-kolehiyo. Hindi ko naman masasabing 'advance' ang edad kong disi-sais sa pagiging sophomore sa kolehiyo, pero parang kulang pa ako sa kaalaman tungkol sa mga bagay-bagay. Lalo na't nagloko ako nung ako'y nasa high school pa lamang. Nakakapagsisi pala na tulugan ang mga teacher mo, nakakapagsisi pala ang mag-cutting para maglaro ng computer games o mag-inom, nakakapagsisi pala ang hindi mag-aral ng mabuti sa high school. Dahil pagtungtong mo ng kolehiyo, para ka ngayong pumasok sa kwartong walang liwanag, at ang dala mo lang upang gabayan ka sa daan ay munting palito ng posporo.
Pag-apak ng mga paa ko sa kolehiyo, nangatog ang mga ito. Hindi dahil mahina ang mga ito, ngunit dahil kaunti lang ang dalang kaalaman. Hindi rin na-boost ang self-confidence ko nung nasa high school palang ako. Isa ako sa mga pinakamahiyaing tao sa campus namin. Hindi mo 'ko makakausap hangga't 'di kita kaklase. Buti nalang at mayroong C.A.T ang aming paaralan. Doon, ibinuhos ko lahat ng makakaya ko upang maging isa sa mga opisyales. 'Di naman ako nabigo sa mga pagsubok na 'yon, nakakuha ako ng pwestong karespe-respeto. Nagpapasalamat din ako at may mga guro akong matyaga, kahit na hindi ako ganoon katatag, pinalalakas nila ang loob ko. Lalong lalo na kila Ma'am Ivy at Ma'am Catlyne. Sila ang dalawang guro na hindi ko malilimutan, kahit na ilang taon pa ang kumupas.
Tiyak akong sobrang layo pa ang landas na tatahakin ko, at ang alam ko lang, kailangan kong mag-focus sa pag-aaral para hindi ko naman madismaya ang mga magulang ko na nakasuporta sa pag-aaral ko. Balak ko na rin humanap ng part time job sa susunod na summer vacation upang makabawas-bawas sa gastusin.
Nais ko nga rin sanang mag-advance ng subject, pero naisip ko ulit na hindi ko kakayanin. Masyado akong mabarkada, para iwanan ko lang ang mga ka-tropa ko ng biglaan. Ako 'yung taong 'bahala na sa pag-uwi', basta ayos 'yung kasama ko. Hindi ako 'yung taong makasarili, uunahin ko ang iba, bago ako, kung kaya.
Focus at determinasyon, 'yan siguro ang kailangan ko upang malampasan ko ang next wave na hatid ng pag-aaral. Gusto ko ng makatapos ng pag-aaral, at kailangan ko din.