takipsilim, buwan, at tala.
hindi naman talaga takipsilim ang siyang dahilan kung bakit ako’y pumupunta sa lilim at nagdarasal nang taimtim na alisin itong dilim.
hindi naman talaga ang buwan ang sanhi ng aking kapighatian.
hindi naman talaga ang mga tala ang siyang sumisimbolo ng bawat luha.
hindi naman talaga sila ang may sala, kundi’y mga saksi. ang aking piping mga saksi.
sila ang saksi ng taimtim kong pagdusa.
saksi sa aking pagkukulang, minsa’y sa pagkasobra.
saksi sa kung paanong nagsimula sa isang walang laman na bote sa gilid ng kuwarto na ngayo’y kuwebang walang apoy sa gitna ng puso.
nakita ang pagbabago—kasiguraduhang dahang-dahang nagpaalam na pinalitan ng pagdududa’t mga agam-agam.
sila rin ay naging saksi sa pagkupas ng litrato ng isang bayaning sa utak ay naging mala-demonyong walang sungay, walang buntot, at walang pulang mga mata—ngunit mayroong maituturing na titulo sa buhay ng munting bata.
sila ang mga saksing pinipiling hindi magsalita, magmasid lamang at damhin din ang aking nadarama.
ilang taon ko ring inakalang sila ang may sala ng aking paghagulhol,
ngunit hindi ba’t hindi naman nila kasalanang wala silang magawa kundi’y ako ay pagmasdan at hindi na dumada.
hindi naman nila kasalanang ang kanilang pagkinang simbolismo ng pag-asa ay iba sa aking pag-akalang ito ay sa aki’y tumatawa.
takipsilim, buwan, at tala.
ang aking mga saksi sa t'wing hinahamon ako ng Dakila.












