FLAMES(H)
Inaamin ko, isa akong mandaraya. Dahil alam kong hindi sapat ang second name mo Kaya dinagdag ko ang palayaw mo na kahit hindi naman inuulit dalawang beses kong nilagay Dahil ayoko nang idamay ang maiden name ng nanay mo, But I am not above adding an extra H. Syempre silent. Parang tayo these past few days.
Because we cannot be FRIENDS. The benefits are too effing good for that.
Pero hindi rin naman LOVE, dahil minsan kapag nagsasalita ka gusto kitang matapilok preferrably malapit sa bangin. Pero minsan kapag nagsasalita ka gusto kitang matapilok papunta sa akin. Papunta sa kama. Sa sofa. Sa sahig. Sa lamesa. Because lagnat, lagablab, and libog also starts with an L which is all this could be.
Di naman kaya ANGRY? Parang mga kapitbahay natin kapag maingay tayo. Kapag tumatagos ang pagkadismaya natin sa isa't isa sa maninipis na pader ng condo. Kapag nagsusumbatan tayo sa mga pangakong hindi ko tinupad at sa mga birthday na kailanman hindi mo maalala. O sa tuwing natatapilok ka.
Pero huwag tayong magbiruan sa MARRIED dahil ayoko yan para sa akin and definitely not with you. Kaya lumundag na tayo to E.
Dahil tila ENEMIES kung magtalo ang utak at pu….. puso ko. Dahil sa tuwing marahang lumalangoy ang mga daliri ko sa mga mumunting alon ng iyong buhok. Di ko alintana na kahit ang kakaunting pagmamahal ay nakakalunod.
Or is it S for SWEETHEART? O mas sakto ba ang sayang? Dahil minsan may mga pag-ibig na tunay pero hindi tama. Siguro, kahit sandali lang sinta, sapat na ang sinubukan natin ang saklap at sarap nang umibig. Kahit Friends Lang Ang Magiging Ending Sa Huli.












