PAGKAKAKILANLAN
Rome Jersey Dyan F. Tan
Nang mapanuod ko ang bidyo ako’y nalungkot dahil totoo nga ang sinasabi ng paksa. Marami akong kilala sa aming pangkat, pati na rin ako, na hanggang ngayon ay hindi pa rin marunong gamitin ng wasto ang wikang Filipino sa aming mga sanaysay pati na rin kapag kami ay nagsasalita. Nakakalungkot lang din isipin na bilang mga Pilipino, hanggang ngayon ay nagkakamali pa rin tayo sa pag gamit ng ating sariling wika. Minsan nga, mas gustong gamitin ng iba ang wikang ingles dahil magmumukhang “mayaman” at “matalino” ka daw. Maraming Pilipino rin na ang tingin sa wikang Filipino ay pang “mahina” at “mahirap” dahil ang wikang Ingles daw ang mas kilala sa mundo.
Ako’y sumasang-ayon na dapat mas bigyan ng tuon at pansin ang wikang Filipino sa iba’t-ibang paaralan sa Pilipinas. Bilang mga Pilipino, dapat nating alagaan at panatilihin ang wikang Filipino dahil ito ang kultura at pagkakakilanlan natin. Kapag tayo’y may kaibigan na dayuhan at kapag malaman nila na tayo mismo ay hindi marunong gamitin ng wasto ang ating sariling wika, ano ang iisipin nila? Iisipin nila na basura nga ang ating wika at lenggwahe dahil tayo mismo, na ang laging gumagamit nito, ay hindi marunong gamitin sa wastong paraan. Panghuli, ang pagkakaroon ng sariling wika ay sumisimbolo sa ating pagiging isang malaya na bansa. Ang pagiging isang malaya na bansa ay isang marangal na gawa, dahil ang kumokontrol at nagpapatakbo ng ating bansa ay mga Pilipino din na katulad natin.
Upang tapusin ang sanaysay na ito, mayroon akong isang katanungan. Nahikayat ba kita na pag-aralan pang mabuti ang wikang Filipino? Kung oo, mabuti dahil nagawa ko ng maayos ang aking trabaho dito. Kung hindi naman, basahin at intindihin mo ulit lahat na aking sinabi sa taas. Basta’t lagi nating tatandaan na ang ating sariling wika ay ang ating sariling pagkakakilanlan at kultura at sinisimbolo din nito na tayo ay isang malaya na bansa. Bilang isang mamamayang Pilipino, dapat mas bigyan natin ng tuon at pansin ang ating sariling kultura bago natin tangkilikin ang kultura ng iba.













