Siguro nga sa ngayon ay hindi ako magiging mahigpit.
Hindi ako gaanong magsisikip sa pagtutugma at pagkakaroon ng wastong pormat.
Gusto ko lamang ipunto.
Kung ano ba talaga ang totoong kuwento ng isang palasong malayo na ang narating.
Na alam mong may tinutungong papupuntahan ngunit hindi pa rin nakapupunta.
Ito na.
Simulan natin sa kung paanong nagsimula ang pagtibok.
Pagtibok? Mukhang hindi pa pala.
Sapagkat ang umpisa ay nabuo lamang sa sulsol.
Ang kauna-unahang relasyon.
Na hindi mo pwedeng kalimutan sapagkat ito ang pundasyon.
Ng lahat ng pagkatuto, pagsakit, pagpait at pagsaya.
Na makipagrelasyon ka sa unang taong hindi mo naman mahal talaga.
Hanggang sa pangalawa, pangatlo at hanggang sa panglima.
Mayroon pa ring problema sa palasong hindi kayang makipagkasundo sa pana.
Pana na magpapalipad sayo.
Ngunit alam mong hindi ka pa handa.
Hindi ka pa makakarating sa destinasyon mo sapagkat hilaw pa ang palasong paliliparin sa gitna ng laban.
Ngunit pakiwari mo'y natuto ka na.
Pinagbuti ang sarili sa pang-anim, ngunit dumating ang pampito.
Nasira ang pangakong ikaw na nga'y magseseryoso.
At naakit sa pangwalo, pangsiyam at pangsampu.
Nalimutang matulog at maligo kaya't sa pang-apat ay muling nagpasalo.
At napagod magmahal.
Tumigil sa paglalakbay ang palaso.
Umigsi, pumurol, nawalan ng direksyon.
Patuloy pa rin pala na nangangapa sa bugso ng hangin.
Labing isa. Nakilala niya ang sarili.
Nalaman niyang isa siyang palasong nakasusugat ng laman.
Sumubok na galusan ang pita.
Nagtaksil, nagtraydor, nagkanulo sa labing dal'wa.
At nag-alab sa bilis ng paglipad pagdating ng ika-labing tatlo.
Nagniningas na apoy ang isinalubong.
Nalimutan ang pagkatao at ang lahat ay natipon sa isip.
Nawalan ng takot. Nawalan ng pagkatao.
Kinain ang sarili sapagkat tinanggap ng palasong siya'y nilikha upang sumugat ng puso.
Ang ika-labing apat ay hindi niya napanindigan.
Hindi niya nabigyan ng pagkakataong maging normal.
Labing lima.
Ang huling destinasyon niya.
Tuluyang nabulag sa lahat ng dahilan.
Sa mga rasong ayaw niyang pakinggan.
Sapagkat gusto niyang magpatuloy ng paglipad. Sa kawalan.
Sapagkat ang ika-labing lima. Ang sa palaso'y nagpabago.
Ipinakita niya na maraming palasong hindi tanggap ng tao.
Walang halaga, walang gamit. Walang dahilan, walang silbi.
At sa kanyang paglipad ay nakulong ang lahat.
Sa isang pananaw.
Na epekto ng huling destinasyon.
Na sa kanyang paglalakbay ay bumitaw din sa kayang bisig.
Paulit-ulit na nauulinigan ang mga sambit ng ikalabing-lima.
Na itigil na ang paglipad mo.
Sapat na sigurong hindi na kita mahal para itigil na ito.
At ang palaso.
Ay tuluyang nawala sa himpapawid.
Pabagsak.
Mabilis.
At lumagpak.
Tuluyang kinain ng apoy.
Tuluyang natupok sa digmaan.
At ang panang kanyang iniwan.
Ay hindi na muling mamasdan.
Nakarating sa dulo na nagsilbing simula.
Kung nakasabay ka sa paglipag ng palaso, ang buong istorya ay alam mo na.
Na gaya ng palaso. Minsan kang dadaan sa isang tao. At sa isa pa.
At lahat sila'y dadaanan mo lang. Sapagkat walang magnanais na sumabay sayo kapag palagpak ka na.
Walang sasalo. Walang sasagip.
Dahil ako
.
.
.
.
ay isang
.
.
.
.
.
PALASO.