Put a smile on their face.
How can i add some goodness? Paano nga ba ako makadaragdag ng mabubuting bagay o kabutihan dito sa mundo?
Yan ang tanong na para sa akin ay madaling sagutin, dahil sa blogosphere kung tawagin na madalas kong tambayan.. doon ay nagkalat ang mga ideya, kwento, at proyektong ang layon ay kabutihan.
Heto't aking iisa-isahin ang ilan sa mga proyektong nagpapamalas ng goodness:
Andyan ang Project Burger na natuklasan ko sa mundo ni Bagotilyo. (makikita ang buong kwento ni Bagotilyo at Proj.Burger dito). Kung saan nagbahagi sila'ng mga blogero di lamang ng kanilang oras pati na din ng burger sa mga estranghero sa Quezon Memorial Circle. Ang ideyang Project Burger ay nagawa na din namin ng tropang chumROCKs, isang gabi pagkatapos namin sa aming Kampay Appointment habang ako'y papauwi, may nadaanan ako'ng mga pamilya na sa kalye na natutulog at sa mismong gabi'ng iyon ay naisipan ko na agad na bigyang katuparan ang Project Burger na matagal na din'g naplano ng aming tropa. Agad-agad ako noong pumunta sa Burger Haus para umorder at dagli ko'ng tinext ang mga tropa. At boom! kami'ng mga senglot nakapag-pangiti sa aming kapwa nung gabing yun.
Nakakatuwa din malaman na may taunang Project Smile si Lord CM at iba pang bumubuo ng isangminutongSmile.com na naglalayon na magbigay ngiti sa mga batang nangangailngan nito. At isang accomplishment ko na maging volunteer ng nakaraang Project Smile sa Mandaluyong. (Dito ang kwento ng Project Smile na aking sinamahan).
At sa darating na ika-20 ng Hulyo taong kasalukuyan may sinusuportahan naman ang damuhan ni Your Honor Bino na isa na namang makabuluhang gawain at proyekto ng mga blogero. Ito ang "Blog Mo, Ipasuot Mo: Back to School Sabak!" na naglalayong magbahagi ng mga blessings sa mga paslit sa Paranaque.
At dahil sa mga aktibidades o mga proyektong ito masasabi kong mas napapadali ang pagtulong, pagdagdag ng kabutihan at pagpapangiti sa ating kapwa.
Isang pagpupugay sa mga tao/blogero sa likod ng Project Burger, Project Smile at Blog mo Ipasuot mo. Salamat dahil hindi nyo lamang ako at ang iba pang tagasubaybay ninyo na-inspire, nahikayat nyo din kami for sure na magkawanggawa.
At nawa'y ang akda kong ito ay magsilbing paanyaya sa iba na wag magalinlangan sa pagkakawanggawa.
Dahil sa mumunti nating pagtulong, wagas at naglalakihang ismayl ang ating maibabahagi at makakamtan.
Sana din ay araw-arawin nating gawin na palaganapin ang "goodness" kahit sa simpleng paraan ng pagpasa ng ating ismayl sa ating kapwa.
At kapag naitanong ko muli sa aking sarili ang katagang " How can i add some goodness?" Maraming unique at nakakatuwang paraan ako'ng masasagot. Ikaw, may nadagdag ka na bang goodness today?
Oh! Isang ngiti naman d'yan! :)









