Ang Damo ay Berde Kahit Saan
Sabi nila, “grass is always greener on the other side,” hindi naman pala. Matagal bago ko ito nakita, masyado kasing okupado ang utak at mata.
Magulo akong tao. Kapag pagod ay hinahanap ang pahinga pero kapag nabigyan ng pagkakataon ay naiinip naman dahil walang ginagawa. Isang dahilan na siguro ang kagustuhang maraming gawin nang sabay-sabay ngunit imposible, syempre. Eh ako naman ‘tong ambisyosa, kaya naiinis kapag walang magawa.
Ang hirap ipaintindi sa sarili na ayos lang na itahimik muna ang utak pero kasi, bakit nakakakonsensya? Nasanay na lang siguro ako, saklap.
I have so much love, care, and compassion to give. Totoo ito. Nag-uumapaw pa nga. Ngunit, totoo din naman na wala akong kapangyarihan gawin ang lahat. Kaya matagal din bago ako naging mabait sa sarili ko (hanggang ngayon, hindi iyon mai-aalis sa akin… nasa sistema ko na yata).
Pero, kahit mahirap, sinusubukan kong… kumawala sa maingay kong isip. Buhol-buhol eh. Minsan, hinahayaan ko na lang ang sarili kong huminga tsaka ko naiisip na “ito lang pala ang kailangan ko.”
Ang hirap din kasing kalabanin ang sarili. Kaso wala rin namang choice. Kailangan lumaban pero hindi naman ito magagawa kung magulo ang utak. Matagal bago ko natutunan ang kahalagahan ng pagpapahinga ng utak at katawan. Kailangan ito para makabangon muli. Kahit papaano, I needed to touch some grass, to be one with nature. Para sa sarili ko, sa mga pangarap ko, para sa pagmamahal na gusto kong ibuhos… sa pamilya, kaibigan, at kung kanino man.
Ang damo ay berde kahit saan. Hindi ko lang nakita noon dahil sa maingay, maulap, at okupadong utak at paligid. Masaya ako, kontento… ngunit bilang ambisyosa ay nangangarap pa rin naman. Ang kailangan ko ay ako upang makita ang opurtinadad sa lahat ng bagay.
Mahirap pa rin itatak sa utak pero ang hakbang na ito ay isa sa mga bagay na panghahawakan ko. There are so much things to look forward to because grass is green everywhere. Tahimik, payapa at kalmado. Kailangan lang natin lumingon paminsan-minsan at pagkatapos ay laban muli! Para sa pag-ibig.
Sabi nga ng Spongecola, “Gumaganda ang paligid kung bawat tao ay puno ng pag-ibig… oh, kay gandang isipin, ang isang mundong puno ng pag-ibig.” ✨💌







