Salamat Idol. Hanggang ngayon, di pa rin ako makapaniwala na wala ka na. Maraming nagtataka bakit ganito ako kaapektado sa pagkawala mo. Hindi kasi nila alam kung gaano ka kalaking impluwensya sa buhay ko. Bata pa lang ako, alam ko na na iba ako. At sa paghahanap ko ng mga bagay na makakapagpanatag ng malikot kong isip, nakilala ko ang Strangebrew. Sa unang pagkakataon, naengganyo ako sa isang palabas. Hindi ko pa maintindihan nuon kung bakit ko nagustuhan ang palabas na to, pero ngayon alam ko na. Sa unang pagkakataon, nakakita ako ng taliwas sa kung anong uso. Isang programang nagpapakita na ayos maging iba. Simula nga nuon ay naging idolo na kita. Pero hindi ka natapos dun. Sa mga panahon na naging napakalungkot ko, narinig ko ang boses nyo sa radyo. Huli na nang malaman kong may programa pala kayo nila Master Ramon at Erning sa FM. Simula nang malaman ko, di na nagiging kompleto ang gabi ko na hindi ko kayo napapakinggan. Sa programang yun, mas nakilala ko pa kayo. At muli, bumalik ang pagpapahalaga ko sa sarili ko. Na kahit iba ako sa karamihan, kahit hindi ko gusto ang konbensyunal na trip ng mga kaedaran ko, eh ayos lang. Kasi may mga gaya niyo na mahal ang pagiging iba nyo. Higit na tinuruan mo ako ng pagpapahalaga sa Bayan kesa sa mga propesor ko. Mas naging maprinsipyo dahil sa pinamalas mong pagkamaprinsipyo. At habang buhay, magpapasalamat ako sa'yo dahil isa ka sa mga taong nagkaroon ng malaking impluwensya upang maging sino ako ngayon. Salamat Idol. Magkikita din ulit tayo.