Para sa mga Babaeng mas pinili nila noon.
Para sa babaeng mas sapat para sa kanya, sana palagi kayong masaya. Sana ikaw ang nakapagbibigay ng mga bagay bagay na hiling nya. Sana ang murang pag-ibig makalimutan na nya at sa binuo nyong pamilya sana lagi kayong maligaya. Kamuwangan nya sana ay mawala na at mamulat sa mundo na ikaw ang kasama. Ang kwento namin ay malimot na kasi nga di ba mas pinili ka nya. Hinarap sa dambana at nagkapamilya. Paslit pa man noon ang isip pero ang puso ay di na napilit kaya sana masaya na kayo, kasi hanggang ngayon kayo ang magkasama. Sa totoo lang hinihiling ko talaga na palagi kayong masaya.
Para sa babae na akala nya ikaw na, hindi man naging kayo ang magkasama pero noong panahon na iyon sa iyo sya pansamantalang naging masaya, nakalimutan ako kahit ang pangako ay sang katerba kasi nga sa iyo sya pansamantalang naging masaya. Sana ngayon totoo mo ng nahanap ang ligaya lalo na at nabalitaan ko na may iba ka na. At ang ibang yun ang syang iyong naging tunay na pamilya. Hangad ko ay kapayapaan sa bago mong sinta.
Para sa babaeng minsan na nyang iniwan pero binalikan dahil sa namuong bagong buhay, sana ay natuto ka na. Wag mong bitawan kung di mo naman pala kayo iwan. Huwag mo nang pakawalan baka makahanap na naman yan ng ibang pagkakalibangan at mapunta ka naman sa puntong gagawa ng kahibangan para maitali sya sa iyo lamang. Pero kung dumating ang puntong ikaw ay mauntog at kaya naman pala ang wala sya sa buhay mo sana ang mga buhay na nabuo sa mga desisyon mo huwag idamay sa mundong magulo. Dalangin ko na sana hanggang dulo ay kayo para wala ng gulo.
Para sa babaeng kanyang nakaraan na piniling balikan kasi sa kanya pala pinapangarap magkaroon ng kinabukasan. I know you're happy right now, not because of that man na pareho tayong iniwan kundi dahil sa bago mong pag ibig na wagas at tunay. Sana sya na at sana huwag mo na ring balikan ang lalaking iyon kahit pa noon ikaw ay pinaglaban para lang maranasan ang kung paano iwan.
Para sa babaeng pinili kasi malapit, sana ikaw ang sa kanya ay nagpapakilig. Sana ikaw ang suporta nya sa lahat ng pagsubok na pinagdadaanan nya sa buhay. Sana kayo pa rin. Kasi tinapon nya ang kami para sa kayo. Kaya sana, sana maging maging masaya kayo.
Para sa mga babaeng pansamantalang pinili pero di nanatili, o di ba parepareho tayong di nagwagi. Ibang babae pa rin ang binigyan nya ng apelyido at sa kanya nagpatali. Parepareho tayong naniwala sa ibat ibang bersyon nya ng kwento at para tayong mga batang nahaling sa kwento. Para syang witch sa Snow White nag alok ng apple at tayo naman parang timang ayun tinikman e di nahaling at napunta sa kawalan. Good luck na lang sa mga future natin 'day at least natuto na tayong huwag maniwala basta basta na lang. Para sa iyo na babaeng nakapagtali pakihigpit lang ng kunti. 😅
Para sa babaeng paulit ulit nyang pinili kahit nasaktan, sinaktan at nagkasakitan na lang. Good luck sa relasyon nyong hindi ko alam ang patutunguhan. Wag nya na sana akong guluhin tama na ang kayo na lang.
Para sa inyo na mga babaeng pinili, salamat at naging daan kayo para di na sila manatili. Sana kayo na ang magwagi. 😅













