Serbisyong Bio muling umarangkada!
Muling nagsagawa ang New Era Biology Society (NErBS) ng kanilang programang maghatid ng libreng laboratory services at screening tests na ginanap sa INC Compound, Tagumpay—Montalban Rizal noong ika-5 ng Marso.
Sa nasabing programa, isinagawa ang mga sumusunod: Fasting Blood Sugar (FBS); Random Blood Sugar (RBS); Body Mass Index (BMI); Blood Pressure Taking / Interpretation; at Urine Screening.
“Sa pamamagitan ng mga junior and senior Biology students ay naisasagawa ang libreng laboratory services for early diagnosis ng anumang karamdaman o deperensya sa katawan,” ani Prof. Michael Flores, Biology adviser.
Ayon pa sa kanya, nakabatay ang organisasyon sa layuning makatulong at pangalagaan ang bawat kalusugan ng mga taong nangangailangan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga nasabing screening tests taun-taon.
Samantala, gayundin namang ibinahagi ng ilang mga propesor mula sa College of Arts and Sciences (CAS) ang kanilang kaalaman sa: Kasambahay Law, Prof. Irwin Blanco; Human Trafficking, Prof. Noe Pobadora; Positive Psychology, Prof. Dorislyn Tabunda; at Livelihood Opportunity, Dr. Antonita Leodones.
“Masarap sa pakiramdam na nakakatulong ka lalo hindi naman sila madalas makatanggap ng mga ganung serbisyo. Lalo pang nagpapasarap ay ‘yung simpleng thank you ng mga natutulungan namin,” pahayag ni NErBS External Vice President Christian Jio Otrera.














