Sinong Sisisihin?
Ang hirap no? ‘Pag alam mo at aminado kang ikaw yung mali, ikaw yung may kasalanan, wala kang masisising iba kundi ang sarili mo.
Wala kang magagawa kundi tanggapin na mali ka. Eh kung ayaw mo, sino ang sisisihin?
Nitong mga nakaraang araw, nade-depress ako kasi yung account ko sa online job na pinapasukan ko ay na-suspend. At sa loob ng isang linggo, hindi ko siya pwedeng gamitin. Halos dalawang buwan na rin akong nagtatrabaho dito at maraming mga nangyari bago ako nagseryoso sa trabahong ito dahil punung-puno ako ng doubts sa sarili ko, sa will ni Lord, sa proseso at sa timing ng lahat (na gusto kong idetalye sa ibang pagkakataon). Noong napanatag na ako, nag-decide na akong paglaanan siya ng time at effort. Iba rin kasi yung naibigay na kaliwanagan ng isip sa akin ng mga nangyari bago ako makadating sa kung saan man ako ngayon. Kinwestiyon ko ang way ni Lord, nag-doubt ako sa kakayahan niya. Pero kahit ganon, hindi niya ako binigo.
Napakabuti ng Panginoon pero kapag nakikita niyang nawawala ka sa daang pinroject niya sa harapan mo na kung saan doon ka dapat diretsong naglalakad, pahihintuin ka muna niya para makita mo ulit kung saan ba talaga ang tunay na direksyon kung saan ka niya dadalhin. Napakabuti ng Panginoon kaya nangyari sa ‘kin ‘to.
Hindi ko masisisi ang Diyos dahil sa una pa lang, ito na yung will niya. Patuloy niya akong kinakausap na gawin ang tama, huwag magmadali, at huwag masilaw sa pera pero nanaig sa’kin yung mindset na hindi niya ikinatuwa. Kaya ako lang talaga ang dapat sisihin.







