Hulyo 28 ng ako'y unang pumunta sa Comelec upang magparehistro sa darating na eleksyon para sa Sangguniang Kabataan. Excited ako. Alas syete ng umaga ay nandoon na ako para pumila. Di ko pinansin ang haba ng pila dahil pursigido akong makaboto.
Naghintay ako hanggang alas 4 ng hapon nung araw na iyon upang makapagrehistro lamang ngunit nadismaya ako sa aking mga nakita. Maaga pa kami doon upang makapagparehistro lamang ngunit marami kaming nakitang mga taong dinadala lamang sa harapan, pinapa-insert. Ang sabi nila, meron daw kasi silang kilala. Ah ganun na pala ang usad ng pagparehistro ngayun? Dapat may kilala?
Nakita ko rin kung gaano naimpluwensiyahan ang iba kong mga kakilala sa takbo ng pulitika. Ang dati kong kakilala na nahalal na SK Councilor noon ay present sa registration. Isa pala sila sa nagpapainsert ng mga taga barangay namin sa pila. At ang kapalit? Ipapakilala ka nila sa kanilang pinapatakbo para sa SK. Hindi lang 'yan, may libreng snacks pa. Morning at afternoon snacks, kumpleto. May libreng lunch pa. At alam niyo na kung ano ang kapalit. Pakilala na naman sa kanilang kandidato.
Ganito na lang ang pagkadismaya ko sa ibang kabataan ngayon. Ano ba talaga ang layunin ninyo sa pagtakbo sa SK? At kung tayo ang pag-asa ng bayan, bakit natin sinusunod ang gawain ng mga pulitko? Ng mga tradisyonal na pulitiko. Itaguyod natin ang ating dignidad. Iwasan nating matulad tayo sa mga taong gahaman sa posisyon. Wastuhin ang kalabisan.
Umpisahan ang pagbabago ng pulitika ngayon. Baguhin ang iyong pananaw at dapat nating isipin na mas makakatulong tayo kung hindi natin iniisip ang ating sarili at hindi tayo magpapadikta sa tradisyonal na pulitika.