Isang Araw na Paglalakbay Patungong Tagaytay City, Cavite
Sa kalagitnaan ng mainit na panahon noong Mayo 2018, kaming pamilya ay naglakbay sa isa sa may malamig na klima sa Katimugan ng Luzon, ang lungsod ng Tagaytay, Cavite. Sa kadahilanang ang pamilya ko ay may kailangang bisitahin sa karatig-bayan sa Imus, mayroon lamang kaming isang araw para matanaw ang mga kilalang destinasyon sa lungsod. Ngunit, sa kaalaman ng lahat, ang lungsod ng Tagaytay ay kilala bilang isa sa mga pasyalan ng turista dahil sa tanging lamig ng klima na dala ng presensya ng mga puno at kataasan na 663 m. Isang salik bakit dinadagsa ng turista ang Tagaytay ay dahil kitang-kita agad ang kilalang aktibong Bulkang Taal na napapaligiran ng Lawa ng Taal. Subalit, dalawa lamang na destinasyon ang aming napuntahan sapagkat mayroon lamang kaming limitadong oras para maglakbay sa mismong lungsod.
Paano Makapunta sa Tagaytay?
Dahil wala man kaming sasakyan, kami ay sumakay na lamang gamit ang bus. Hindi madali ang pagpunta sa lungsod ng Tagaytay dahil ang biyahe patungo doon ay kinakailangan ng hindi bababa sa apat na oras mula Bataan at depende pa ito kung hindi mabigat ang daloy ng trapiko. Ang bus na aming nasakyan ay nagbababa lamang ng pasahero sa ibang bayan pa, kaya ay kinakailangan pa naming sumakay ng motorsiklo upang makapunta mismo sa lungsod ng Tagaytay. Ngunit kahit papaano ay mabilis ang biyahe sapagkat dadaan ito papuntang Cavite Expressway (CAVITEX) na nagkokonekta sa Metro Manila at ang probinsya ng Cavite.
Ang dalawang lugar na mababanggit rito ang pinakakilalang atraksyon na maaaring dagsain sa lungsod ng Tagaytay:
1. People’s Park in the Sky
Bago kami makapunta sa tinatawag nilang "People's Park In The Sky", matatanaw agad ang Bulkang Taal habang nasa kalagitnaan ng biyahe. Hanggang sa nakarating kami sa unang destinasyon ng ika-9 ng umaga. Dahil sa sobrang kagutuman, tumungo kami sa isang kainan doon na tinatawag na "Nonoy's Bulalo". Hindi gaano kamahalan ang presyo ng pagkain doon at masarap kumain pag sinabayan ito sa malamig na umaga.
(Larawan mula sa Facebook Page ng “Nonoy’s PH”)
Kasaysayan
Ang "People's Park in The Sky" ay mayroong taas na 709 metro — ang pinakamataas na rurok na nakapatong sa itaas ng Mount Sungay, kaya ay ramdam na ang mas malamig na klima. Ang naturang parke ay isang makasaysayang lugar sa mismong lungsod at nang tumagal ay isa raw itong naging hindi kumpletong mansyon. Sinasabing ang parkeng ito ay itinayo para sa mga pagpupulong noong nasa termino pa ang dating Pangulong Ferdinand Marcos. Sinimulan itong itayo noong 1979, ngunit hindi ito natapos dahil sa hindi pagtuloy ng dating Pangulo ng Estados Unidos na si Ronald Reagan para sa pagbisita sa Pilipinas noong 1983.
Admisyon
Nang naglakbay kami noong 2018, mayroong panimulang bayad na P20.00 upang makapasok. Pakatapos ay kinakailangang sumakay ng jeepney (ang pinakamababang presyo ay nasa P12.00) upang matanaw ng aktwal na mga tampok sa parke.
Ito ang ilan sa mga makikita kapag pumunta ng parke:
Tanaw dito ang tinatawag na Shrine of Our Lady, Mother of Fair Love.
Dito nakatayo ang dating Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) doppler weather radar station
Sa loob mismo ng parke, may mga ilan doon na makikitang picnic kung saan ay pwedeng mamili o kumain sa mga itinalagang lugar.
Nang lakbayin namin ang buong parke, makikita na may iilan doon na mukhang abandonadong lugar dahil sa kalumaan. Ngunit ay dinadagsa pa rin ito ng turista sa kadahilanang tanaw ang mga nasa mababang lugar at ang masimoy na hangin doon.
Sa kabilang banda, halos tanaw na rin ang Lawa ng Taal na pinapalibutan ng Bulkang Taal.
2. SkyRanch - Tagaytay
Ang pangalawa at huling pinuntahan namin ay ang kilalan amusement park na SkyRanch - Tagaytay. Kinailangan namin ng dalawang sakayan upang makatungo rito mula sa People's Park In The Sky. Sumakay kami sa motorsiklo at jeepney, at may kamahalan dahil madyo malayo-layo ang pagpunta roon. Ang aming biyahe papunta rito ay umabot ng halos isang oras.
Para sa kaalaman ng lahat, ang SkyRanch ay isang amusement park na pagmamay-ari ng SM Prime Holdings Inc. Ito ang pinakaunang amusement park na itinayo noong 2013, at nagbukas rin sila ng ibang sangay ng SkyRanch na makikita sa Pampanga at Lungsod ng Baguio.
Admisyon
Dahil hindi naman kami mahilig sumakay sa iba’t ibang rides, kumuha lamang kami ng regular na admisyon na aabot sa P80.00. Pagkapasok ay may hiwa-hiwalay na bayad ang pagsakay sa kanilang mga rides. Minsan, ang SkyRanch ay nagbibigay-alok ng tinatawag na “Ride-All-You-Can”, at nakadepende ang presyo nito sa kapanahunan.
CC: SkyRanch Main Gate
Ito ang regular na admisyon na tiket upang makapasok sa SkyRanch. Hindi namin kinuha ang Ride-All-You-Can na tiket dahil limitado lamang ang aming oras.
CC: Mayroon lang nagbigay sa amin ng regular na tiket sa tinatawag na “Super Vikings” ng libre dahil sa personal na rason. Sa isang sakay, ang regular na presyo ay mula P100.00.
Ang SkyRanch ay may iba’t ibang maaaring puntahan ng mga turista. Makikita rito ang mga sumusunod:
Samu’t saring mga restawran sa tagiliran ng pasukan;
Mga tindahang pampasalubong tulad ng sari-saring mga pagkain, souvenirs na pwedeng bilhin na gawa ng mga Caviteño;
Mga nakatayong kiosk o mga mini stalls sa loob mismo ng parke na nag-aalok ng tindang pangmeryenda at iba pa;
Mga sakayan na pwedeng pagkasiyahan ng mga bata at matatanda. Ang mga halimbawang pwedeng sakyan ay ang Super Vikings, Wonder Flight, at Log Coaster. Isa na rito sa dinagdagsa ang kilalang Sky Eye o ang Ferris Wheel dahil mas makikita pa ang magandang tanawin sa Tagaytay; at
CC: Log Coaster
CC: Sky Eye
CC: Wonder Flight
5. Hindi mawawala ang mga Midway Games na maaari ring mapanalunan ang mga premyo kapag nanalo.
CC: Isa lang ito sa makikitang mga Midway Games
Bukod pa riyan, sulit ang pagpunta sa SkyRanch dahil mas tanaw ang ganda ng Bulkang Taal.
CC: Lawa ng Taal na kinuhanan ng litrato sa SkyRanch.
Kahit sa isang araw na paglakbay doon ay kahit papaano ay nakapunta ako ng mas malayo sa lugar na hindi ko kinasanayan. Mapapaisip nalang rin ako na parang katulad na ito ng Baguio City na kaylamig rin ng panahon. Mas kakaiba ang saya siguro kung pupunta kami muli sa Tagaytay kapag nasa panahon na muli ng Amihan. Ang isa pang mahalagang aral ay hindi sapat ang isang araw para lakbayin ang tulad ng mga napuntahan naming destinasyon. Ang biyahe papuntang Tagaytay ay matagal-tagal; ang malala pa rito ay kung hindi inaasahang mabigat ang trapiko. Bagama’t kinakailangan ng pagpapasensya, ngunit iba ang saya at tagumpay kapag nakarating ka na sa isa sa pinagmamalaki ng Pilipinas, ang lungsod ng Tagaytay!
- Roniel Chester F. Payos, 12 - STEM - St. Agnes












