ANG UNANG ARAW NG TAGSIBOL (i)
Mahilig akong tumambay sa ilalim ng puno. Masarap kasing pakinggan ang tunog ng pagaspas ng hangin sa mga dahon, ang naggagandahang huni ng ibon at ang payapang pakiramdam sa tuwing umuupo ako sa lilim nito. Sabi ng aking lolo, noong bata daw ako, kapag nawawala daw ako sa kanilang paningin ay alam na daw nila agad kung saan ako hahanapin. Kaya nga para hindi na ako lumayo ng husto ay nagpunla siya ng buto sa likod ng aming bahay. At iyon din siguro ang dahilan kaya naman nakasanayan ko na ang ganitong gawain.
Kapag ako'y malungkot, o gustong magmuni-muni, ganito lang ang ginagawa ko, kahit walang kasamang musika o anumang babasahin ay masaya na ako, komportable na ang aking pakiramdam at payapa ang aking isipan, hanggang sa isang araw, habang ako'y mahimbing na nakasandal sa puno ay bigla ko nalang nadinig ang pagbagsak ng baso sa loob ng aming bahay, at ng aking tiningnan kung ano ang dahilan ng ingay na gumising sa akin ay nakita ko nalang ang aking lolo na nakaupo at wala ng malay.
Sa pangyayaring iyon ay hindi ko alam ang aking gagawin, gaya ng ibang labindalawang taong gulang na bata, hindi ko alam kung ano na ang mangyayari sa akin, dahil mula pagkabata ay si lolo na lamang ang aking nakasama at sa akin ay nag-alaga. Mula ng maaksidente ang aking mga magulang ay si lolo na ang sa akin ay umagapay, at ngayon ay naiwan nalang ako sa maliit naming bahay, kasama ang punong kaniyang pinunla para ako'y may masilungan.
Pinipilit ako ng ilan sa mga kamag-anak namin na sa kanila nalang daw tumira, pero hindi ako pumayag, mas ninais kong maiwan sa lugar kung saan ako namulat, at sa lugar kung saan ako kumportableng gumalaw. Sa kabila ng lahat, hindi naman nila ako pinabayaan, lahat ng aking pangangailangan ay kanilang tinutulong. Sa kabila ng lahat, masasabi ko pa din na maswerte ako dahil hindi ako gaya ng iba na walang masilungan, walang mailagay sa tiyan, at hindi nakakapag-aral.
Matapos kong makatapos sa senior high school ay agad akong humanap ng mapapapasukan upang ako'y kumita ng sarili kong pera upang hindi na ako umasa sa tulong ng iba, at sa kabutihang palad ay may nahanap naman ako, sa isang maliit na coffee shop, hindi gaanong kalayuan sa aking tinutuluyan.