3rd.
Eksaktong tatlong buwan na ngayon. 012516. Siguro wala kanang pakialam sa kung ano man ang meron sakin. Siguro wala kanang pakialam sa kung anong estado ang nararamdaman ko ngayon. Siguro masaya ka na. Siguro.
Sana masaya ka. Sana totoong masaya ka. Ikatlong buwan ngayon. Ang bilis ng panahon. Pero ang bagal ng mga segundo at minuto. Hindi na kita madalas naaalala. Hindi na kasing dalas noon. Pero sa tuwing magbabasa ako o makakabasa ng kahit anong may koneksyon sa pag-ibig, o makakapanood ng isang bagay na tungkol sa pagmamahal, o makakarinig ng mga kanta at liriko na magpapaalala sayo, naaalala kita. Hindi na kasing dalas. Pero parehong lungkot.
Naaalala mo ba nung minsan nagkukwentuhan tayo tungkol sa mama mo? May gusto akong iparealize sayo. Umupo tayo sa dome at pinatingin kita sa pinakamalayong maaabot ng mga mata mo. At sinabi kong tumingin ka pa sa mas malayo don. Sinabi ko, “hindi dahil hindi mo nakikita, hindi nageexist.” Ngayon, hindi mo na ko nakikita. Ngayon, hindi mo na nakikita yung pagmamahal ko. Hindi mo nararamdaman. Pero hindi ibig sabihin na hindi na ito nageexist. Mahal kita. Mula nung una kitang makita. At kahit siguro makakilala ako at makahanap ng makakasama sa buhay, may espesyal na parte ka pa rin sa puso ko. Magkakakwentuhan pa kaya tayo? Hindi ko alam. Hindi ko na rin siguro gustong malaman. Pero naeexcite akong mangyari yun. Naeexcite akong asahan na isang araw, hindi malayo mula ngayon, tatawa ka pa rin sa mga kwento at jokes ko. At ngingiti pa rin ako dahil sa ningning ng mga mata mo. Hindi dahil mahal pa kita. Kung hindi dahil minsan kang naging malaking parte ng buhay ko. Mag-iingat ka sana palagi, Mahal ko.











