Nakaka-miss ding gumawa ng blog. High school at college days pa nung huli akong nagsusulat sa blog ko, mula sa mga rant ko sa mga terror na teacher ko, mga hopeless romantic era, mga firsts sa buhay kolehiyala, pagproseso ko sa identity crisis ko at pag-reconcile ng aking sekswalidad at aking pananampalataya. Fast forward, tumiwalag ako sa simbahan na kung saan ay namalagi rin ako ng higit sa dalawang taon, nahumaling sa panonood ng indie films, sumali sa isang theater workshop, first time na nakapag-Pride March, naging miyembro ng LGBT org, nag-internship sa institusyon ng mga pasista, sumali sa samu’t-saring organisasyon, bumalik uli sa theater workshop, napagod, nagka-midlife crisis, natutong mag-yosi, nagka-mental health issue, sumali sa national democratic org, umasim ang relasyon sa tatay, naging alipin ng kapitalismo, nagka-pandemya, nahuli sa Mendiola, nakulong, nagmuni-muni, at nag-pultaym sa pakikibaka.
Limang taon mula noong huli kong pormal na pagsusulat sa tumblr, jusko ang dami na ngang nangyari, teh. Mas naging komplikado ang mga bagay, mas naging mahirap ang sitwasyon, pero sa kabila ng mga bagay na iyon, mas nakakaramdam ako ng panloob na kapayapaan kaysa sa sitwasyon na pinagdaanan ko sa nakalipas na limang taon. Mula noong nahuli at nakulong ako, mas nagkaroon ng saysay ang mga bagay na ipinaglalaban ko, mula sa personal kong danas hanggang sa panlipunang danas. Mas nagkaroon ng direksyon ang buhay ko, pwera biro. 15 buwan na halos mula noong nagpasya akong maging buong-panahong aktibista – pultaym tibakla nern. Ito ang pinakamagandang desisyong ginawa ko. At hindi rin naman talaga madali ang pagtahak sa landas ng pakikibaka. Mahirap komprontahan at igpawan ang mga peti-burgesyang tendensya, lalo na ang paggampan ng mga gawain sa ilalim ng pandemya at pasistang rehimen, pero kaya, kinakaya at kakayanin, para sa masa at para sa rebolusyon.