Moondrop No. 26 | Laila Dawn Dimaapi
Stockholm Syndrome | Isang Istorya
Stockholm Syndrome
The phrase was reported to have been coined by criminologist and psychiatrist Nils Bejerot.
Psychiatrist Dr Frank Ochberg was intrigued by the phenomenon and went on to define the syndrome for the FBI and Scotland Yard in the 1970s.
"The hostages experience a powerful, primitive positive feeling towards their captor. They are in denial that this is the person who put them in that situation. In their mind, they think this is the person who is going to let them live." - Dr. Frank Ochberg
Bukang-liwayway, panibagong araw na naman ang kailangang suungin. Bukang-liwayway, haharap na naman sa iba't-ibang dagok na dala ng buhay. Bukang-liwayway, makikipaghalubilo sa kapwa na parang hindi dinadalaw ng pagod ang katawang-lupa. Bukang-liwayway, hanggang kailan mo balak hintayin ang pagdating ni Haring Araw? Bukang-liwayway, hanggang kailan ka magpapatuloy sa'yong buhay?
Kaunting galaw na lang ng kamay ng orasan malapit ng mag alas cuatro. Ilang minuto mo nang tinititigan ang nanlamig na kapeng kanina mo pa tinimpla noong alas tres y media. Bigla mong narinig na humihilik ang iyong nakababatang kapatid, saka ka natauhan, kailangan mo nang kumilos. Makikipagsapalaran ka pa sa pagsakay sa pampublikong transportasyon. Makikipagsapalaran ka pa sa sikip ng daan dahil sa mga ginagawang kalsada na hindi mo mawari kung para saan, maayos naman noong dumaan ka nakaraang linggo. Kailangan mo nang kumilos, haharap ka pa sa boss mong busabos.
Saka na ako magpapakilala, kapag malapit na akong mawala.
Ayaw ko sa mga Pilipino. Ayaw ko sa mga Pilipino dahil sa mga kaugaliang tinataglay nila. Ayaw ko sa mga Pilipino, gigising pa nang maaga para lang masigurong hindi sila mahuhuli sa trabaho. Ayaw ko sa mga Pilipino, mga walang modo! Makikipagtulakan pa para lang maunang makasakay sa dyipney! Ayaw ko sa mga Pilipino, napakadaldal! Umagang-umaga, makikipagbiruan pa sa mga drayber na parang walang tinulak kanikanina lang! Ayaw ko sa mga Pilipino, nakakabuwisit ang ngiti! Tirik na tirik ang araw, nagbabanat ka ng buto, paanong nangyayaring may sumisilay pa na ngiti sa'yong mga labi? Ayaw ko sa mga Pilipino, magpapakawala lang ng buntong hininga kapag abutan na ng sweldo. Kahit kapos ang perang ibinigay kumpara sa trabahong inialay mo. Ayaw ko sa mga Pilipino.
Saka na ako magpapakilala, hindi naman ako mawawala.
Ayaw ko sa mga Pilipino. Ayaw ko sa ugali nila. Ayaw ko sa kanila.
Pero bakit parang mas napapaibig ako ng mga 'to?
Napapaibig ako sa paraan nilang gumising nang maaga para hindi mahuli sa pupuntahang trabaho, siguro'y para hindi na makaltasan sa sweldo. Napapaibig ako sa mga Pilipino, hindi man naising masaktan ka sa kagustuhan niyang makasakay agad at makarating sa paroroonan, pagpasiyensiyahan mo na. Napapaibig ako sa mga kwento nilang sadyang kasiya-siya na makakalimutan mong kanina ka pa nasa C3 at naiipit sa mga truck na nagdedeliver ng kung ano-ano. Napapaibig ako sa kanilang mga ngiti. Napapaibig ako sa kung paanong pinipili nilang magpatuloy at ngumiti sa kabila ng hirap ng buhay, napapaibig ako sa kung paanong kaya nilang paligayahin ang kanilang kapwa kahit na sila mismo'y kailangan ng kakapitang kaligayahan. Napapaibig ako sa ugali nilang makakapagisip ng paraan kung paanong mapagkakasya ang kakarampot na sweldong ipinanlimos sa kanila ng kapitalistang mundo. Napapaibig ako sa kung paanong uunahin nila ang pangkain ng pamilya, ang pang aral ng kapatid, ang panggamot ni Inay at Itay, ang ibibigay na renta kay Nana Sela, ang pambayad sa kuryente't tubig na kailangan ng pamilya, uunahin nila ang pamilya, imbes na sa sariling ligaya.
Bilib ako sa'yo, napapaibig mo ako. Pero, Pilipino, ipapaalala ko sa'yo, hindi dapat ito ang buhay na tinatamasa mo, karumadaldumal ang pambababoy na ginagawa sa'yo ng bansang 'to. Ayaw ko sa mga Pilipino, ayaw ko sa'yo pero pinapaibig mo rin ako. Pinapaibig mo ako sa bansang kinulong ka sa mga isla nito. Pinapaibig mo ko kahit na mali. Pinapaibig mo akong lumaban. Pinapaibig mo ko sa taglay mong nawasak at naitagong kagandahan.
Ayaw ko sa mga Pilipino, pero bakit mas pinapaibig ako nito? Dahil ba sa kabila ng lahat ng 'to, iniibig mo rin ako? Ako, ang boses ng pag asa. Na namumuhay at nabubuhay sa bawat pagdilat ng iyong mga mata sa tuwing sumasapit ang umaga. Ako ay ikaw, Ikaw ay ako. Pilipino tayo. Lalaban tayo. Kaya maghintay ka, magpatuloy ka! Maghihintay ka sa pagdating ng bukang-liwayway.
Magpapatuloy ka sa'yong buhay!












