Ngayon, isipin mo, ano ang mga dapat mong ipagpasalamat?
Nakatitig ako ngayon sa kawalan. Maraming bagay ang tumatakbo sa aking isipan. Masyadong magulo. Masyadong masalimuot ang dinadaan ng mga ideyang patuloy kong naaalala. Mga magagandang karanasang gustong alalahanin ngunit hindi magawa, mga masasakit na karanasang pilit kinalilimutan ngunit hindi mawala-wala.
“Nakakapagod pala.” ang sabi ko. Halos gusto kong sumigaw at iiyak na lang lahat nang nararamdaman ko. Para bang sa paningin at pakiramdam ng iba, nasa maayos at maalwan kang kalagayan, ngunit hindi. Dahil nagsusumigaw ang damdamin ko. Di ko maunawaan, napakagulo talaga.
Ilang taon na ang lumipas mula noong nag-umpisa akong magtrabaho. Marami nang nagbago simula noon, ngunit ang dami nang nakasanayan, lalo na ang mabuhay nang mag-isa. Masanay na mag-isang kumain, mag-isang gawin yung mga bagay na gusto kong gawin, mag-isang itaguyod ang sarili. Napagtanto ko, hindi pala talaga madali. Hindi ako nagbibilang ng hirap ko, ang sa akin lang, gusto ko lang sabihin na hindi talaga madali ang mag-isa.
Marami na ngang pinagdaanan, na ngayon nga’y naaalala ko isa-isa. Yung pagod, yung sakripisyo, yung hirap, yung mga pang-uusig, mga panlolokong naranasan, galit, pag-iyak, paghikbi, pagluhod, pagtawag, pagsamo. Hindi ko maipaliwanag lahat, dahil nagkahalo-halo na. Ngunit sa kabila ng lahat ng ‘yon, nakatitindig pa rin, nagagawang makapagpatuloy — isa sa mga pinagpapasalamat ko.
Napakaraming bagay kong dapat na ipagpasalamat. Nadapa ako, ngunit muling ibinagon. Nahirapan ako ngunit muling kinaya. Napagod ako ngunit nakatagpo ng panibagong lakad. Nagsakripisyo ako ngunit may mas naging mabuting dulot sa akin yung sakripisyo. Nasaktan ngunit muling pinaghilom. Naloko ako ngunit may mga napagtanto. Nagalit ako ngunit binigyan muli ng kapayapaan. Nagkasala ako’t nagkulang ngunit muling pinagbigyan at ramdam kong muling pinatatawad.
Ito yung mga bagay na tumatakbo ngayon sa isipan ko, masyadong malalim ngunit mahirap hugutin mula roon kung ano talaga ang pinagmumulan, dahil kahit ako, ‘di ko alam kung saan, at kung ano ang kahihinatnan.
Isa lamang ang alam ko ngayon, na sa kahit anong pagdaanan, hanggat kinakaya at nagkakaroon ng panibagong pag-asa, magpapatuloy lang sa pamumuhay. Malayo man sa pamilya, ngunit alam mong nasa maayos silang kalagayan at alam mong nakapagpapatuloy sila, ayos na ko. Lahat ng bagay dapat na ipagpasalamat. Linaw ng isipan, mapayapang buhay, pagsubok man yan o kaginhawahan, higit sa lahat, nasa kahalalan at karapatan.
Maaaring hindi pa ngayon ibibigay ng Ama yung mga hinihiling natin, at maaaring hindi na nga ibigay. Ngunit alam ng Diyos kung ano ang mas makabubuti para sa atin, at kung ano ang tunay nating pangangailangan. Magtiwala lang tayo, basta’t magtatapat tayo.