09/14/16
Simulan natin sa dulo. Simula pa lang ng dulo ay minahal na kita. Ikaw, na bibighani ako sa tuwing nasisilayan ng ilaw ng araw ang mukhang may bakas ng masalimuot na nakaraan. Ikaw, na may mga tinatagong lihim ang bawat kurba ng katawan. Ikaw, na gusto kong hawakan ang kamay hanggang sa makawala sa masamang panaginip.
Umpisahan natin sa pagtatapos. Umpisa pa lamang ay hinahanap-hanap na kita kahit hindi pa man tayo nagkakakilala. Umpisa pa lamang ay naaalala ko na ang hitsura kahit hindi pa man tayo nagkikita. Umpisa pa lamang ay gusto na kitang pasiyahin kahit na hindi ko pa alam ang tinatago mong lungkot, poot, at galit.
Unahan na rin natin ang huli. Unang beses kong maramdaman ang sugatan mong braso na nakadikit sa kamay kong madumi ay napangiti ako. Unang beses mong ipatong sa balikat ko ang pagod mong ulo ay tinamaan ako ng kidlat ng saya. Unang beses mo akong yakapin noong pareho tayong malungkot, unang beses na nadiskubre natin na pareho tayong basag, sira, duguan at sugatan sa loob, unang beses na umiyak ka dahil sa tuwa at unang beses mong sinabi sa'kin na mahalaga ako para sa iyo, naramdaman ko ang nararamdaman ng mga anghel sa langit.
Ngunit alam natin pareho na darating din ang araw na huli na ang lahat bago pa man ito mauna, tapos na ang lahat bago pa man ito magumpisa at nasa dulo na hindi pa man tayo nagsisimula.
Hindi mo na nasabing mahalaga ako sa iyo. Hindi ka na umiyak dahil sa tuwa. Hindi mo na rin naramdaman ang lungkot at saya sa piling ko. Hindi na kita nayakap pa, hindi ka na nakasandal sa balikat ko, hindi na nahawakan ang kamay o nadikitan man lang ang braso. Hindi na rin kita nakilala.
Dahil bago pa man tayo magkita sa kauna-unahang pagkakataon ay naglaho ka na. Dahil bago pa man kita makilala ay nawala ka na. Dahil bago pa man mangyari ang lahat ng pwedeng magyari sa atin ay kinuha ka na ng langit. At ang tanging alaala ko lang sa iyo ay ang makailang beses na nadaanan ko ang mga lugar na dinaanan mo, ang makita ko ang mga taong nakita mo at ang pagdaan sa simbahan kung saan ka huling humiga. Ako, naaalala mo ba ako? Nakikita mo ba ako kung nasaan ka man ngayon? Hinahanap-hanap mo rin ba ako? Kasi hanggang ngayon, hinahanap ko pa rin ang mukhang hindi ko na makikita, ang kamay na hindi ko na mahahawakan, ang katawan na hindi ko na mayayakap, at ang labi na hindi ko na, kahit kailan man, mahahalikan.
Mistulang pinagkait ng tadhana ang pagmamahalan natin, sinta.
Dahil umpisa pa lamang ng storya natin ay tapos na ang lahat.










