Panaginip (Ika-apat Na Tula Para Sa Mahal Ko)
Hawak ko ang kamay mo
Tayo'y nakaupo
Sa ilalim ng karagatan ng mga bituin
Nakatanaw sa kalawakan,
Sa kawalan,
Teka,hindi,
Hindi ito kawalan dahil kasama kita
Tanging ang liwanag ng siyudad,
Ng buwan, kislap ng mga bituin,
Ang nagsisilbing ilaw sa madilim na gabi
Wala kang dapat ikatakot,
Kasama mo ako
Tanging ang himig ng mga kuliglig
Ang nagsisilbing musika sa tahimik na gabi
Ipikit mo ang mga mata mo
Pakinggan ang bawat pintig ng pulso,
Ang kabog ng dibdib,
Ikaw ang sinisigaw nito
Tanging ang iyong yakap,
Kumot ng ulap,
Ang nagsisilbing panangga sa lamig ng gabi
Ramdam ko ang iyong paghinga,
Ang pagtulo ng iyong luha,
Ayaw kong kumawala
Sa higpit ng kapit ng iyong bisig
Huwag kang bibitiw,
Yakapin mo ako buong gabi
Salubungin natin ang pagsikat ng araw
Alam ko kailangan mo nang bumitaw,
Bago pa man magwakas,
Makinig ka,
Pangalan mo ang aking binibigkas,
Kasunod ng mga salitang
“Mahal kita”“Mahal kita”“Mahal kita”
Ang bukang liwayway,
Kasabay ang aking pagmulat,
Iiwan kita sa aking panaginip,
Sa ating tagpuan,
At haharapin ang katotohanan,
Walang ako, walang ikaw, walang tayo