“ANG KWENTO NG LUMAMIG NA PUTAHE“
Unang beses kong magluluto. Baboy. Toyo. Suka. Laurel. At paminta. Para sa’yo. Alam kong paborito mo ‘yun e. Paminta. Shoot sa banga. Gisa. Halo. Kulo. Hintay. Hum ng random song ng APO. Charan! Sabi ni Chef Boy Lagro, ganyan daw gumawa ng adobo. Tinikman ko pagkatapos. Masarap. Para sa sinigang, okay siya ha. Kaso adobo ‘yung ipinangako ko, pero ang ihahain ko sa’yo, abobo. Sobra sa asim, sobra sa alat, sobra sa mantika, sobra sobra sobra. Bobo. Kapag ibinuhos mo pala lahat, ‘yung halos walang matira sa basyo, pwedeng hindi rin masarap ang kalabasan. Na pwedeng ang kalabisan, ‘yun mismo ang maging pagkukulang.
Sumubo ka isang kutsara. Nakakatawa kung paano kumulubot ang mga ugat sa noo, kung paano kumulot ang kilay na makapal, at nagparamdam ang nginig sa boses pagkasabing, “Hmmm. Ayos naman. Kulang sa paminta PERO Naappreciate ko naman po ‘yung effort mo. Ang sweeeeet nga e.”
Sweet? Ibig sabihin, pati sa asukal, sobra ang nailagay ko? Pati pala sa tamis, bawal ang sobra?
Sobra sobra ang ibinigay kong pagmamahal sa’yo kaya ibinihagi mo rin sa iba. Oo, matagal ko nang nginunguya ang katotohanan na habang tiyinatiyaga mo ang putahe ko, may iba ka pang puta-he ka na dinudukot-dukot sa ref tuwing madaling araw at 'di makatulog dahil hindi makahinga sa pulupot ng aking bisig sa katawan mong malamig.
Bakit? Patikiman mo naman ako ng paliwanag. Kung may isang bagay na humihiwalay sa’tin mula sa mga hayop sa kabila ng lahat ng kahayupan mo, ‘yun ay ang kakayahan nating ipaliwanag sa utak ang ginawa ng pusong nagmamatalino. Kasi tao ako, tao ka. Kailangan ko ng paliwanag na panghahawakan para makabitaw ako sa’yo nang tuluyan. Pero pati 'yun, syempre, ipinagkait mo. Kahit sobra-sobra na ang ibinigay ko sa’yo, hanggang sa pagpapaintindi ng kasalanan, kulang ang ibinalik mo.
Hindi ko alam kung bakit hinihiling ng mga two-timers na katulad mo, ‘yung sa kanta, "na sana dalawa ang puso ko." Hindi ba dapat, dalawang utak ang hingin mo? Para naman sana nakapagdalawang-isip ka bago mo ginawang plural ang you sa I love you. Para naman sana nakapagdalawang-isip ka, bago mo iniba ang spelling ng I love you too, sa I love you two.
Hindi ko alam kung bakit salawahan ang tawag sa’yo, e ang katotohanan naman, inisahan mo ako, at pati siya. Kapag sinabi mo kasing salawahan, dapat dalawa kaming minahal mo. Pero hindi posible 'yun, Dahil kung magpapakatotoo ka lang. dalawa kaming sinaktan mo, At ang tangi at nag-iisang minahal mo, ay ang sarili mo.
Hindi ko alam kung bakit third party ang tawag sa mga sumasawsaw sa relasyon ng iba. Unang-una, wala namang dapat i-celebrate. At tsaka, paano naging party 'yun, E kayo lang naman ang nagkakainan. Paano naging party 'yun E kayo lang naman 'yung nanonorotot habang ako nabibingi sa isang gilid sa pag-alala sa mga “mahal kita” na sinambit ng iyong bibig sa akin, kahit ang isinisigaw ng mga galaw mo, ay siya, siya ang ibig.
Huling-huli, hindi ko alam kung bakit pangangaliwa ang tawag sa ginawa mo. Kasi mahal, kung namali ka lang ng liko sa kabilang kanto, makikita pa kita e, masusundan pa kita. Makakatakbo pa ako papunta sa’yo, para hilahin, akayin ka pabalik sa landas na nasimulan. Hindi ka nangaliwa, hindi ka kumanan, hindi ka lumiko, hindi mo ako diniretso na matagal ka nang huminto sa isang madilim na sulok na hindi ko na mababalikan, para ako ay ‘yung balikan.
Sobra ka. Sobra.
Dapat noong araw pa lang na hindi mo ako diniretso na hindi masarap ang adobo ko, dapat dun pa lang napagtanto ko na. Na hindi ikaw ang tamang kaluluwa na pag-alayan ko ng luha. Dahil hindi ko kailangan ng taong paliligayahin ako sa kasinungalingan. Na paniniwalain akong disente ang adobo pero pagkaligpit ko ng pinagkainan, maghahanap ka ng ibang bubusog sa puso mong masiba dahil hindi pihikan. Kailangan ko ng tao na kayang ibato sa’kin ang katotohanan. Na sobra na pala sa alat, sa toyo, sa asim, sa suka, sa lagkit, sa mantika, sa paminta. Na sobra na ako sa pananakal sa’yo, sa pagiging seloso, na sobrang higpit ng paglingkis ng mga daliri ko sa mga daliri mo, ng kagat ng mga labi ko sa mga labi mo. Kailangan ko ng taong ipapamukha sa’kin kapag sobra na ang ginagawa ko, kapag mali na, At titiyagaing turuan ako kung paano ba magluto ng adobo na tama ang timpla. Isang tao na dahan-dahan akong titiyagain na matutong magtimpla ng tamang relasyon na tatagal, na tayo lang, Wala ng iba, walang sobra.
[From the book “Lahat Tayo May Period” by Rod Marmol]









