Naramdaman mo na din ba minsan na wala ka sa "phase" mo? Na para bang nasa sitwasyon kang hindi ka pa handa o hindi pa dapat?
Ngayong huling dalawang linggo kasi, bago ang sembreak sa ekswela, wala ako sa huwisyong gumawa ng kahit ano. Nandun yung kagustuhan, pero wala yung tinatawag nating passion. Kumbaga, nag-sink in sa akin pilit lahat ng nangyayari at ginagawa ko sa buhay ko. Gumagalaw ako hindi dahil sa gusto ko kundi dahil sa mga deadlines na hinahabol ko.
Matagal tagal ko na rin namang naiisip ang mga bagay na'to pero iba pala talaga kapag katawan mo na mismo ang naghaharap sa'yo sa katotohanan. Katotohanang madami sa ginagawa mo ay hindi nakabase sa gusto mo kundi sa kung ano ang katanggap tanggap sa lipunan o kaya nama'y para mapasaya ang mga taong mahal mo.
Dito ko rin naisip na hindi naman ako aabot dito kung di ko talaga gusto ang ginagawa ko. Siguro lang ay Ito ang paraan ng katawan ko na sabihin na hindi pa'to dapat ngayon, na masyado kong inuunahan ang sarili ko dahil na rin ayokong madissapoint ang ibang tao.
Ewan ko ba nga ba kung bakit sobra tayong nadala sa gusto ng lipunan para sa atin. Hanggang sa puntong sila na ang nagdidikta kung nasaan dapat tayo ngayon.
Mula pagkabata ay nakaatang ng pressure sa atin. Dapat sa edad na tatlo, maayos ka na magsalita, sa edad na na pito, dapat marunong ka na magbasa, sa edad na labingdalawa dapat hindi ka na naglalaro, sa edad na labingwalo dapat mature ka na mag-isip, sa edad na dalawampu't isa, dapat graduate ka na sa kurso mo, sa edad na tatlumpu dapat may asawa at anak ka na, Ultimo nga ata sa pagkamatay mo, may standards na.
Nakakalungkot na madami sa atin ang nakabase sa oras ng lipunan na nakakalimutan na natin na may choice tayo. Oo, maaring para nga ito sa masayang kinabukasan, pero hindi ba tayo pwdeng gumawa ng magpapasaya sa atin ngayon? Kailangan ba talaga nating isakripisyo ang mga sayang pwde nating maramdaman ngayon para lang habulin ang sayang di naman sigurado sa kinabukasan?
Kung nagegets mo man ako o nakakarelate ka sa akin, hindi ko sinasabing sirain natin ang buhay natin. Ang sa akin lang, maari bang for once in our life, huwag nating ibase ang saya natin sa kung ano ang gusto ng lipunan para sa atin o kaya sa kung ano dapat ang nagawa mo ngayon base sa lipunan.
Sa halip kahit sandali, kalimutan mo ito. Maligo ka sa ulan, magpatakbo ka ng sasakyan ng mabilis habang nakasaliw sa kantang iyong paborito, tumambay ka sa taas ng bubong at panuorin ang mga bitwin. Dahil kung iisipin, pagkatapos naman ng lahat, hindi naman kung anong naabot mo ang magpapasaya sa'yo, kundi ang maliit na bagay na nagpatunay sa'yo na kaya mong maging masaya ng hindi nakadepende sa iba.
p.s: habang tina type ko ito — nandito ako sa aking tambayan. Tara patuloy na magsulat :))