Sa lagpas pitong libong isla sa bansa,
Natatangi, isang mala-mutyang lupa.
Dito nananahan, babaeng si Aba,
Masaya’t payak, subalit nag-iisa.
Libangan niya’y hardin, dagat, at bukirin,
Habang sa kabila ay kalakal at screen.
Mga luhong kailan ma’y di nanaisin,
Mga bayang walang balak bisitahin.
Iba kung magmahal si Aba sa isla.
Ni pag-ikot ng mundo’y di makakontra.
Di bale nang buhay ay di masagana,
Kakayanin nang walang tulong ng iba.
Ngunit may magagawa pa ba si Aba,
Kung alon na mismo sa kanya’y nagdala,
Bangkang tinangay ng bagyong bumulaga,
Sa karangyaang di niya nais makita?
Puting buhangin sa kanyang talampakan,
Mga wikang sa pandinig ay dayuhan,
Mga gintong palamuti sa bulwagan,
Magagarang damit, nagkakasiyahan!
Pilak na alahas, nagpapasikatan,
Presyong merkado, tila ay ginintuan.
Medisina ay tanyag sa kahusayan,
Mga taong mayaman sa kaalaman.
Tila bato na napatigil si Aba.
Damdamin niya’y di mawari ang timpla.
“Aba! O kay tagal ko nang nagdurusa!
Maginhawang buhay ay posible pala!”
Kaya’t sa kanyang bangka, bumalik siya,
Bawat yabag, nagtataglay ng pag-asa.
Umuwi sa lupang minahal nang sobra,
At handa nang buksan ang palad sa iba.
Lupa ni Aba, binisita ng masa.
Sa yamang lupa’t tubig, namangha sila.
“Aba! O kay sagana ng iyong isla!
Kay gandang taniman ng ekonomiya!”
Buong pusong niyakap, mga dayuhan.
Isa, dalawa, libo-libong nanahan.
Yapak ng iba ay masusing sinundan,
Lumaon at nabalot ng karangyaan.
Tunay ngang guminhawa, buhay ni Aba.
Masayang nakisalamuha sa iba.
Siya ay walang pagsisisi ni isa,
Pagkat di na nahuhuli sa karera.
Ngunit lumipas ang ilang mga taon,
Si Aba’y napukaw ng realisasyon.
Halo-halong kulturang agaw-atensyon,
Subalit sarili naman ang nabaon.
“Nasaan ang lupang minahal ko noon?
Pagkakakilanlan, di matanaw ngayon.
Ako ba’y mali, nakainom ng lason?
Patawarin nawa ako!,” kanyang tugon.
O, Aba! O, Aba! Ano ba’ng nangyari?
Pagmamahal mo’y bakit di na mawari?
Nabulag ng ginto, pilak, at salapi,
Masasabi nga bang ikaw ay nagwagi?
Kay ganda kung nagtutulungan, hindi ba?
Ngunit ‘wag limuting tumayo mag-isa.
Ang dapat na kaibigan lang, sinamba na!
O Aba! Tunay ka ngang kaaba-aba!