sana kung makararanas man ulit ako ng pag-ibig, sana 'yong higit pa sa ibinigay mo. sa ipinaramdam mo. kasi kung hindi, 'wag na lang.
gusto kong sumigaw. gustong-gusto kong umiyak nang malakas. 'yong hagulhol! 'yong hindi ako natatakot na may makarinig sa akin. gusto kong marinig kung paano ko habulin 'yong kinakapos kong hininga. gusto kong aluin ang sarili ko. gusto kong yakapin 'yong sarili ko nang mahigpit na mahigpit!
ngayong gabi, may kung anong nagtulak sa aking kunin sa pinagtataguan ko ang huling liham, huling sining na punong-puno ng magagandang kulay, guhit, salita na hinabi mo para sa akin. puno ng pagmamahal, puno ng papuri, puno ng takot, puno ng pangako, puno ng lahat ng emosyong puwede mong maramdaman. pero higit sa lahat, puno ng pangarap ng isang hinaharap.
binalikan ko lahat 'yon. 'yong huling liham mo sa akin no'ng ika-16 kong kaarawan. siguro dahil may nalaman akong kuwentong may halos hawig sa atin o dahil may pinanonood akong hindi ko alam kung hinihilom ba ako o sinasaktan lalo o baka naman pareho. ewan ko. basta ang alam ko lang gusto kong basahin ulit 'to pagkatapos ng pitong taon mula nang matanggap ko ito. at ang tagal bago ko matapos kasi sa bawat isang taludtod, sa bawat isang pangungusap, sa bawat isang tula, sa bawat isang talata, umiiyak ako. may napagtatanto ako.
ngayon ko lang naisip na bago mo napagdesisyunang tapusin ang lahat noon, nahihirapan ka. nagtatanong ka kung titigil na o kakapit pa ba. matagal. sobrang tagal bago ka nanindigang bumitiw na. ilang beses ka munang umasang masabi ko pa sa iyo, maiparamdam ko pa sa iyo. ilang beses kang nabigo. ilang beses kitang binigo.
sobra mo akong mahal. grabe, mas dama ko 'yon ngayong pitong taon na ang lumipas nang basahin ko ulit 'tong huli mong mga tula at liham. pero binabalikan ko kung nasabi ko ba sa iyo nang sapat, nang ilang ulit, na mahal din kita... hindi ko matandaang ginawa ko nga. siguro oo, pero siguro din kulang.
totoo pala talaga 'yong mararamdaman mo lang na mahalaga kapag wala na. naramdaman ko na 'to ilang taon na rin ang lumipas at pucha, dama ko pa rin pala hanggang ngayon. grabe ka magmahal at hindi ako makapaniwalang sinayang ko lang.
pero alam mo, kung sakaling umabot man ako ng 60, 70, 80 taon sa mundong 'to at iisip ako ng mga pinagsisisihan ko, hindi ka magiging kasama roon. isang kang magandang alaala. na minsan may nagmahal sa akin nang sobra higit pa sa kayang sukatin ng salita. bukod sa pamilya ko, may minsang nagturing sa akin bilang isang magandang takipsilim. may nagmahal sa aking inihanay ako sa mga ulap at bituin.
hindi ako magsisising nangyari lahat ang nangyari kasi nakita kong naging masaya ka. naging malaya ka. naramdaman kong totoo kang payapa. 'yon lang. 'yon lang at masaya na rin ako para sa'yo. para sa'yo, hindi ko sinabing masaya ako para sa akin. pero magiging masaya rin ako. masaya naman ako pero alam mo 'yon? magiging masaya rin ako.
hinding-hindi ako mananatili sa pag-ibig na tinipid. hinding-hindi ako mananatili sa pag-ibig na ayos lang, ayos na. kasi inibig mo ako sa paraang hindi ko alam na ikakikirot at ikatitibok ng puso ko pitong taon ang nakaraan nang matanggap ko ang huling patak ng pag-ibig mo.
ngayong alam kong nabigo ulit ako sa pasibol pa lang, ipinakita sa akin ng langit na hindi dapat ako magmukmok sa taong may ibang librong hinahanap kung minsan sa buhay kong ito may taong halos gawan ako ng libro ng pag-ibig at pangarap.
salamat, ipinaalala mo ulit sa akin 'yong bahagi ng sarili kong hindi ko alam nalimutan ko pala. salamat sa pag-ibig mong kahit wala ka bilang nagtanim, inaani ko pa rin. palagi kang magiging paalala sa aking huwag manatili sa pag-ibig na tinipid.
kaya kung sa buhay na 'to'y iibig ulit ako sa hindi ko na lang bibilanging pagkakataon, sana 'yong higit ng iyo. 'yong mga salitang mahal na mahal ko bilang kinatawan ng pagmamahal ko ay mamahalin ko lalo dahil ipinararamdam nito sa akin kung gaano ako kamahal-mahal.
hihilingin at hihilingin ko laging maging masaya ka, payapa, at malaya. lagit't lagi. tulad ng paghiling ko rin nito para sa akin.