Bahay-bahayan
Malas yata ako sa araw na'to eh. Malakas naman ang alon kagabi kaya nga nandito lahat ng basura sa baybayin, pero bakit wala akong mahanap na laruan ngayon! Kung bakit kasi pinatulan ko pa si Jepoy ayan tuloy nahuli na ako sa pagpunta dito sa dagat. Naubos na lahat ng laruan, kinuha na nila. Kahit bato o tansan wala, eh puro supot at bulok na basura nalang ang tinira nila sa akin eh. Pa'no ako makakagawa ng bahay na singganda ng kay Roben eh wala akong pang dekorasyon. Nakakainis kasi tong c Jepoy, pa'no nya kaya nakita yung mga butingting na tinago ko kahapon di sana may dekorasyon ang bahay ko ngayon kahit papa'no.
Gusto ko sanang pumunta doon sa kabilang baybayin, sigurado marami pang laruan doon, kaso baka makita na naman ako ng mga salbaheng bata at huhubaran na naman ako ng palda. Salbaheng mga bata yon! buti nalang kasama ko si Roben at nakatakbo kami ng mabilis. Ayoko ng bumalik don.
Hay, di ko mapigilang mainggit sa mga pinsan ko. Andami kaya nilang laruan, umaapaw ang napakalaking kahon ng laruan! May tumutunog na piano, may umiilaw-ilaw na kotse, tsaka ang gaganda ng mga manika. Napakaraming damit na pwede mong ipagpalit-palit sa manika, may mga clay at naparaming krayola at higit sa lahat ang daming pagkain. Di ko maintindihan bakit gutom na naman ako. Kagabi di ako makatulog dahil ang sakit sakit ng sikmura ko, suka ako ng suka ng laway sa may butas ng sahig namin para di na ako tumayo at baka magising ko pa sila nanay. Di ko mapigilan ang pagtulo ng laway, parang bumabaliktad ang sikmura ko. Ano kaya yun? Mabuti nalang nawala na rin ang sakit ngayon.
Ayun na sila Roben, Wow. ang gaganda ng mga bahay nila.. medyo malambot ang lupa ngayon kaya saktong sakto sa pagawa ng bahay. Gagandahan ko rin sa akin, makikita nila. Gagawa ako ng palasyo. Ano kayang magandang kwento ngayon? Ah, alam ko na. Isang napakayamang prinsesa na nakatira sa isang napakagandang palasyo.









