Nagsimulang umugong ang makinang magdudugtong sa karayom at sa balat kong gutom mula sa tinta ng bulok na sistema. Gumuhit siya ng mga linya na ayon sa kanya ay susundan niya hanggang sa maabot ang dulo ng mga pinta. Nagsimula siya sa pagtusok gamit ang maliliit na espada at tila nakikipagdigma sa walang palag kong katawan. Kinagat ko ang mga labi na matagal ng natuyo kakahintay na masaktan mo ulit, na tanging mga dugo ko nalang ang napapapulang muli. Di nagtagal ay nasanay sa sakit na aking inangkin at pilit na kinukulong sa marikit kong kalamnan. Natapos ang araw at nakayanan ko ang inaakalang pang habang-buhay na kalinisan ay nabahiran nang isang marka. Markang nagpapaalalang nabuhay ka, mapalad ka. //100616














