hindi ko sana gustong sabihin ito pero magpapaalam na agad ako. magpapaalam na ako kasi baka sa isang araw mawala ako bigla. hindi ko alam kung saan ako pupunta at saan ako makakarating. bigla-bigla na lang akong dinadala ng paa ko kung saan, pinasasakay sa jeep, pinaglalakad, pinag-iintay ng masasakyan muli patungo kung saan. huwag kang mag-alala, hindi nila ako pababayaan. basta ang alam ko lang, may pupuntahan ako at makakadating ako don nang hindi mapapabayaan. ayokong mag-alala ka pero minsan hindi ko na matantsa ang sarili ko. hindi ko na alam kung sino ang nabubunyag ‘pag nagbabalat-kayo ang katawang ito. wala na akong makilala minsan, gumigising ako sa sikat ng araw at sa bagong aparisyong nakayapos sa balikat ko.
maiintindihan ko kung ngayon ay ayaw mo na akong maging kaibigan. unti-unti mo ng nakikita, wala akong pakinabang. mahahatak lang kitang pababa, mauulanan at makikidlatan ang iyong naghihiwagang buhay. kahit kailan wala akong gustong idamay. pero gabi-gabi akong naghuhukay ng mapapaglibingan. ayokong magpatihulog sa kalaliman nito pero lumalalim na magdamag. pipilitin kong hindi madulas, pumirmi sa isang saligan. pipilitin kong hindi traydurin ang umagang nag-iintay.
unti-unti ka ng mawawalan ng pagmamahal sa isang kagaya ko. wag kang malungkot. gusto kong pigilan ka, hawakan ang iyong kamay, gusto kong marinig na hindi mo ako iiwan pero huwag kang papadala. hindi na ako ang nagmamakaawa. lumisan ka ng hindi nag-aalinlangan, may kailangan kang gawin, may mga responsibilidad ka, hindi mo yun pwedeng pabayaan. at ang matino kong katauhan ay hindi papayag na iyon ay iyong iwan para sa napaparam kong mundo.
huwag kang mag-alala. walang magiging samaan ng loob. unti-unti akong naagnas at malilimot na ang mga pighati ng buhay. mawawala na ang mga magugulong sandali. mapapaltan ng kapayapaan. ang akin lamang, wag mo akong kalilimutan. yung akong naging masaya at minahal ka ng lubusan. yung akong naghahandog ng lakas para umabot sa masayang bukas. yung akong kasama mong nagdadasal. yung akong bumabangon kasi umaasa kang makakarating ako.
huwag mo akong kakalimutan. ngunit habang ako pa ito, at may ngiti pa sa mukha ko, ako’y iyong bitawan. at ang mga huling bakas ng saya ang siyang iyo na lang na panghawakan.