... it’s good to be back!!! woahhhh lakas makabalik-bayan.
Antagal ko nawala sa tumblr. Nung binalikan ko, pag tingin ko puro kalungkutan mga huling posts ko? Di ko na matandaan anong pinagdaanan ko sa mga yan pero di na mahalaga yun... past is past. Ang mahalaga nakabangon tayo. Going back, ayun nagtry ako gumawa ng bagong blog. Hindi ko alam parang gusto ko ng bago, iwanan lahat ng mga kalungkutan ko dito... pero ang hirap pala. Bumalik din ako dito. Hmmm so ayun, hindi ko talaga alam kung kaya kong panindigan tong pagbablog ulit, pagkekwento ng araw ko o kahit yung mahahalagang ganap na lang sa buhay ko... parang sinabi ko na rin kasi dati to. Pero sige, sa ngayon susubukan ko, tutal wala naman ako trabaho. Ops, saka na ang kwentong trabaho.
Kamusta ka? Ako... sakto lang. Napakarami na ring nangyari sa buhay ko na di ko naikwento, napakarami na ring nagbago.
Mga ilang bagay na kasama sa mga nangyari at nagbago:
Nagpreboards kami bago makagraduate. Ito yung isa sa peak ng college life namin, dito nagkandagulo-gulo ang buhay namin nung 5thyear. Dito ko nakilala yung mga kaklase ko sa oras ng kagipitan, dito ko napatunayan sino ang totoo. Sinira ng sistema yung bagay na pinaghirapan naman talaga namin. Pero wala lang… at the end, grumaduate naman kami, yun yung mahalaga.
Nag dorm kami sa manila for 6 months para magreview. Ibubukod ko ng kwento to kasi sobrang halaga rin ng anim na buwan na to sa buhay ko.
Nagboards, pumasa sa boards, engineer na ngayon.
After 1 week pagkatapos lumabas ng results, oo isang linggo palang ako nag eenjoy ng halos anim na taon na pinaghirapan ko, iniwan kami ng papa ko. No words can describe gaano kasakit… kasi hanggang ngayon nararamdaman ko pa. Hanggang ngayon di ko pa kaya magkwento, hanggang ngayon di ko pa mailabas ‘tong sakit na matagal ko nang dinadala. Nakakahiya kasi, and malamang wala rin naman makakaintindi. And yes, I need to vent out. Naisip ko, baka itong tumblr ulit yung makatulong sakin. Baka kailangan ko lang masanay, kailangan ko lang mailabas, hanggang sa maging normal na, hanggang sa matanggap ko na? Labo no. Sabi ko naman sainyo.
Umuwi ang ate ko nung nawala ang papa ko, pero kinailangan nya munang bumalik ulit sa Abu Dhabi, nabaon kami sa utang nung mawala yung papa ko. After ilang buwan, umuwi na ulit yung ate ko dito sa Pilipinas. Pakiramdam namin, pilay na pilay yung pamilya namin nung mawala yung papa ko. Hindi financially, pero emotionally… tipong laging may kulang. Yung dating masayang pamilyang pinagmamalaki ko, buo, kumpleto… wala na. Kulang na ngayon. Umuwi yung ate ko, kaya kahit papano lumakas naman kami. Suportahan sa isa’t isa, pero pakiramdam ko nagbubulagbulagan lang kami sa nararamdaman ng bawat isa. Kumbaga halos lahat may maskara, nagpapanggap na masaya para di maapektuhan yung iba pero malamang sa gabi, tulad ko… hindi rin sila pinapatulog ng lungkot at pangungulila.
Wala pang isang taon nung mawala yung papa ko, wala pang trabaho ang ate ko, na-stroke naman yung mama ko. Nabanggit ko nang nabaon kami sa utang nung mawala ang papa ko, at hanggang ngayon di pa namin bayad yun at nung mastroke si mama, mas nabaon kami… natabunan na kami ng utang. Ako lang ang nagtatrabaho at malamang hindi sapat ang kita ko sa nagastos sa ospital, kinailangan syang matutukan sa ICU dahil kritikal ang kondisyon ng abnormal na pagtaas at biglang pagbagsak ng BP nya. Awa ng Diyos, nag papagaling na sya ngayon. Bulsa nalang namin ang duguan at sugatan. Lavahrnnn? Laban.
Isang taon na rin mahigit mula nung mawala si papa. Trivia: wow may patrivia??? Nung mawala yung papa ko, ni hindi ko magawang magpost, sumulat or kahit anong tungkol sakanya. Yung ate ko nung mawala yung papa ko, nakapagpost sya agad sa facebook, kaya lang nalaman ng mga tao. Nung nilibing yung papa ko, sinubukan ko sumulat… anong nangyari? Wala. Di ko pa rin nagawa. Hindi ko alam, ang hirap iexplain. Hindi naman kailangan creative writing levels, yung tamang kwento lang… pero hindi ko magawa. Hindi ko magawa siguro dahil hindi ko makayang sariwain yung mga alaala ng papa ko, mag iisang taon ko nang sinusubukan gumawa ng isang kwento tungkol sa nararamdaman ko, tungkol sa papa ko… at mag iisang taon na rin akong bigo. Hindi ko alam, hindi ko magawa, nahihirapan ako. Pero in time… kapag kaya ko na, makekwento at maiilabas ko rin lahat to. Lavahrnnn? Laban.
Kasalukuyan akong walang trabaho, nag resign ako last April. Kung bakit? Susubukan kong ikwento sa mga susunod.
Yan ang mga highlights ng buhay ko. Sa ngayon, nasa state ako ng buhay ko na “sakto lang” di ko maipaliwanag pero sakto lang. Masaya na siguro ako na lumalaban kami at sinusubukan kong maging masaya, sa loob ng mga panahon na lumipas, mas minahal ko ang pamilya ko. Mas naintindihan ko yung halaga nila, mas gusto kong sulitin bawat oras kasama sila.
Lumilipas ang oras e, ambilis ng takbo ng buhay, bukas makalawa sino bang makakapagsabing may buhay ka pang pwedeng aksayahin o pwedeng sulitin?
Kaya heto ako, nagbabalik sa pagkekwento. Susubukang mas sulitin ang bawat oras ko sa pagsusulat ng kung anek-anek sa buhay ko.