Hindi na bago ang usaping kahirapan. Palagi nalang ito ang problema sa karamihan ng mga akda. Tulad ng tatlong maikling kuwento na isinulat ni Jun Curz Reyes. Hindi niya nabigyan ng bagong muka ang kahirapan ngunit sa tatlong maiikling kuwento na ito, napakita kung paano lumaban ang mahihirap sa mga may kapangyarihan.
Una na ay ang sa Utos ng Hari. Dito pinakita kung gaano kahirap maging isang estudyante-- maging isang mahirap na estudyante lalo na kung ikaw ay may pinaglalaban. “Bakit ba ayaw nila makakita ng katotohanang iba kaysa sa kinagisnan nila. Bakit ba kasi gusto nilang maging kamuka nilang lahat ang tao sa mundo.” Hindi ka pupuwedeng sumagot dahil ikaw ay hamak na estudyante lamang. Bakit nga ba may mga gurong ganoon? Hindi hinahayaan na magkaroon ng sariling pag-iisip ang isang mag-aaral nila? “Ang hindi nila kamuka ay agad nilang pinapansin. Ang taong naniniwala sa sarili ang gusto nila lapastangin.”
Maihahalintulad ko ito sa isang video na napanood ko mula sa VinCentiments na pinamagatang Kung Pwede Lang o KPL kung saan pinapakita ang side ng isang estudyante na hindi alam ng guro dahil hindi nga naman puwedeng sumagot ng pabalang sakanila kaya sa dulo ng video na ito, bigla itong babalik sa umpisa na para bang sa utak lang sinabi ng mag-aaral ang mga nais niyang sabihin ngunit ang tanging lumabas lang sa bibig niya ay “sorry”. Maaring masyadong exaggerated ito, alam naman iyon ng gumawa ng video. Gumawa rin nga sila ng isa pa na tungkol naman sa side ng mga guro.
https://www.facebook.com/SAWAKASBRIEFS/videos/1884194218553627?sfns=mo
Marami sigurong makakarelate sa akdang ito lalo na’t kami ay mula sa PUP. Dahil dito, hindi namin hinahayaan na kontrolin ng matataas ang aming isipan. Hindi kami nagpapatangay nalang sa agos at hayaang malunod sa kung ano mang sinasabi saamin. Kami ang nag-iisip para sa aming sarili at hindi kami takot na ilabas ang aming saloobin sa harap ng mga matataas.
Kung sa Utos ng Hari ay pinakita kung gaano kahirap maging estudyante, sa pangalawang akda naman na pinamagatang Doon Po Sa Amin ay pinapakita kung gaano kahirap magkaroon ng mababang trabaho.
Kilala na talaga ang Padrino System sa ating bansa. Kasama na ito sa ating kultura. Sa mga di nakaaalam, and padrino system ay ang pag gamit ng pagiging magkaibigan o kapamilya upang humingi ng pabor. Tulad nalang ng ginawa Miss Secretary upang mapatalsik si Mon. Kaya payo sa mga mambabasa “Trip niya iyon, edi makiloko ka.” Tayong mga nasa mababang posisyon nalang ang mag adjust at matutong makisama lalo na’t kung iyong makakaaway mo ay may kapit sa boss mo.
Nabanggit din dito ang pagkakaroon ng stereotype base sa kasuotan ng isang tao. Tulad nga ni Mon na “rugged” daw manamit. “Bakit nakakaperwisyo ba ang suot namin?” minsang sagot siya kay Miss Secretary. Tama naman na hindi mo kailangan husgahan ang isang tao base sa pananamit lang nito. Masyado ka namang mababaw kung ganiyan ka mag-isip. Hindi natin alam na ang hinuhusgahan nating manamit ng “rugged” ay hindi rin natutuwa sa pananamit ng ibang tao. “Naiinsulto rin ako pag nakakakita ako ng mga brilyanteng gangga-butil ng mais ang laki, tulad ng suot mong solitaryo. Bakit kailangan pang ipagparangalan ng tao ang katayuan niya sa buhay sa pagsusuot ng kung anu-anong mamahaling bagay? Para inggitin ang wala? Para ipaalala kami’y dukha at hindi namin kayang bilhin ang kaya niyo?” Nanliliit sila pag nakikita nila ang iba tapos dadagdagan mo pa ng pang iinsulto sa pananamit nila. Makisama ka naman.
Makisama tulad ni Matsay na hindi ganoon katalino ngunit maayos naman ang pakikitungo sa mababa katulad nila. “Mano doon mo makikilala kung talagang magalang o bulsa mo lang ang sinasaladuhan ng iyong kausap.” Mas mahalaga ang attitude kaysa sa talino.
At ang huli ay Ang Mga Kuwentong Kapos. Hindi ito katulad ng kinalakihan natin na maiikling kuwento. Ito ay parang literal na maikling kuwento dahil literal na kapos dahil wala itong ending. Ang akdang ito ay binubo ng tatlong istorya ng mga tauhang nakilala ng nagsasalaysay. Iba’t ibang daan ng buhay ang ang nabigyan ng pansin sa mga kuwento na ito. At sa huli, hindi nga nabigyan ng kalutasan ito na sumisimbulo na ang buhay natin ay talagang kapos minsan.
Ang tatlong maiikling kuwento na ito ay nag bigay kaalaman sa akin ng iba pang istilo ng pagsusulat. Kailangan mo talaga ng mapaglarong kaisipan upang makabuo ng ganito kaya dapat ay hindi lang binabalewala ang sining na ito. Lalo na sa ating bansa, hindi ito nabibigyan ng pansin gaano. Dapat matuto tayong magpahalaga dahil maraming aral ang mapupulot dito. Magiging bukas ang isipan ng lahat at tayo ay mabubuhay sa mundo na puro matatalino.












