Nang minsang mapaisip ako,
Isang tanong ang pumukaw sa isip ko
Ano itong aking nararamdaman?
At ikinabigat ng aking kalooban
Dahil lamang dito sa simpleng katanungan.
Sa mga aral na aking natututunan,
Kasiyahang hindi mababayaran,
Ala-alang hindi makakalimutan,
Bawat problemang pinagdaraanan,
At kalungkutang napagtagumpayan.
Lahat ng iyan aking naranasan sa loob ng bakuran
Ngunit paano nga ba sa aking paglisan?
Kumusta ang paglisan sa bakuran?
Limang salitang nagpaiba sa aking nararamdaman
Paano nga kaya sa aking paglisan sa bakuran?
Ang walang sawang tawanan,
Ang bawat iyakang mayroon akong natututunan,
Ang mga araw na kasama sila sa puyatan,
At mga pagsasamahang nabuo sa loob ng bakuran.
Muli ko pa kaya itong mararanasan?
Aking naalala ang una kong pagpasok sa bakuran
'Yong kabang aking unang naramdaman,
Ngayon ay pareho pa rin ng kaba,
At pangamba na baka ito ay huli na,
Huling pagkakataong masisilayan ko sila.
Ang dating takot dahil sila'y hindi ko kilala,
Dahil baka ibang ugali mayroon sila,
Ngayon ay kakaibang kaba dahil sa bakuran ako'y lilisan na.
Minsan kong inisip itong katanungan,
Kumusta ang paglisan sa bakuran?
Simpleng tanong na hindi ko alam ang kasagutan,
Madali lang naman itong katanungan
Tanging ang akin lamang nalalaman,
Mababalot lang ako ng kalungkutan sa aking paglisan.
Itong lugar na nagpalimot sa akin ng aking problemang pinagdaraanan
Munting bakuran, pero ngayon ay paborito ko ng lugar na puntahan.
Mga aral mong ibinigay ay hindi ko na malilimutan,
Sa Bakuran ni Pambuan, iyong malalaman tunay mong kahalagahan.