Karugtong ng Buhay.
Ala una, bente singko ng umaga. Linggo. Mayo a'otso. Araw ng mga Ina. Matagal na panahon rin bago ako napagisa. Payapa, tahimik, nakakatakot. Para bang kakainin ka ng karimlan, wala kang marinig kung hindi ang tunog ng bentelador sa iyong paahan. Ilang taon na rin ang nakalipas magmula ang huli kong liham. Walang pagbabago, eto pa rin nakatayo't kinakalaban ang mga demonyo sa aking isipan. Sa mga panahong ito, naaalala ko kung ano nga ba ang mga pangarap ko, saan ako nagsimula, saan ako natutong umasa sa panahon na ang buhay ko ay magiging payapa. Apat na taon magmula ang huling dalaw ng depresyon, apat na taon kong huling naramdam sa sarili ko na wakasan ang buhay at mamayapa. Madaming kumukubli, madaming tumatakbo. Madaming tanong na tila'y walang kasagutan. Marami pa akong plano, alam ko sa sarili ko yun. Pero nanghihina and nangliliit ako sa kung anong estado ko ngayon. Wala na. Unti unting naglaho, unti unting nawalan ng gana. Alam ko dati, sinabe ko sa sarili ko na wag magpakampante at patuloy mamuhay sa pagiging mausisa. Ngunit bakit nawala? Dala ba to ng mga panahon ng depresyon? Dala ba to ng mga panahon na hindi ako nakakuha ng suporta galing sa aking mga minamahal?
Bakit pakiramdam ko, ako lang ang lumalaban? bakit pakiramdam ko kahit anong panalo ko sa larangan na ito ay wala akong kasamang magdiwang?
Bakit parang ako lang magisa?














