KAHAPON
Nagsulat ako ng tula.
Oo, nagsulat ako.
Nagsulat ako at titiyakin kong masasaktan ka
sa bawat linya,
sa bawat taludtod,
sa bawat tugma.
Nagsulat ako ng tula.
Nagsulat ako ng tula at susugatan kita
sa mga salitang nakasaad
sa lukot na papel at ginamitan
ng nauupos na tinta
ng panulat na pakalat-kalat
Susugatan kita, at magmamarka sa'yo lahat.
NGAYON
Binasa ko mula sa una,
lahat ng tungkol sa'yo.
Ang kabuuan mo mismo.
Ang mga pangarap na nais i-buo,
mga alaalang pilit na binabalikan,
kasiyahang iyong pinaramdam,
karikitan ng ating pagmamahalan.
Mga luhang ibinulsa ang mga ngiti
Pilit na itinatago sa mga salita,
sa bawat hikbi.
Pagkat ayaw ipakita
ang pusong nagdurugo,
sumisigaw, nakatali.
Alam mo kung ano yung pinakamasakit?
Yung ipinagkait mo ang sagot sa aking mga bakit,
Na hanggang sa huling yugto ng kabanatang ito,
Iniwan mo akong nakalutang
sa mga alapaap
Ipinagkait mo ang pagkakataong makalaya ako sa kulungan ng pag ibig mo
Sa naghuhuramentado kong puso
Nasa rurok na ng kawalan
Kawalan..
Nawalan..
Nasaktan..
Napagtantong tila mas masahol ako kaysa sa bulag.
Huli ko nang nakita,
na sa gyerang sabay nating sinimulan,
ako nalang pala ang lumalaban.
BUKAS
Iki-kwento na lamang kita.
Sa pagtatapos nitong kabanata'y
tatakpan ko na.
Ang panulat na napagod nang isulat ka.
Ang papel na tapos nang magsayang ng mga pahina.
Sa muli nating pagkikita,
titingnan kita bilang isang bagong mukha.
Tipong walang nakarehistro sa sistema ko
na kahit ano tungkol sa'yo.
Walang kahit ano.
Susubukan kong tingnan ka sa paraang
wala na akong maramdaman.
Dahil gusto kong pigilan,
gusto kong labanan.
Susubukan ko, susubukan ko.
Na matapos na hanggang sa hindi na kita mamukhaan..
Ikaw,
na dati kong ligaya.