12.05% ng aking 2018:1 You found a match
Mahigit isang buwan narin ang nakalipas bago ko napagtanto na mas mabuting magkaibigan nalang kami nung taong nagugustuhan ko sa opisina. Halos isang taon siyang naging inspirasyon ko sa pagpasok at ilang buwan kong pinag-iisipan kung sasabihin ko sakanya na gusto ko siya pero mas pinili ko yung pagkakaibigan namin. Maraming dahilan, at kung iniisip mo na kaya ko pinili na hindi nalang sabihin dahil alam kong hindi niya ako magugustuhan, tama ka. Pake mo ba? Hindi naman siya yung ikukwento ko. Alam naman natin na hindi madaling isantabi ang nararamdaman sa isang tao lalo na at nakakasama mo halos buong linggo pero nagawa ko yun. Dahil isa akong tao na kailangan tumitibok ang puso araw-araw, dumating yung araw na kinailangan ko ng tutulong magpatibok ng puso ko. Wag mo akong husgahan na malandi ako dahil hindi mo alam baka malungkot lang ako.
Kausap ko yung kaibigan kong kabute, sabi niya magdownload daw ako ng dating app. Dahil tumatanggap naman ako ng mga suggestions, sinubukan ko ngang magdating app. Hindi ako marunong gumamit nun sa katunayan nung matapos kong ayusin ang profile ko, tinanong ko ang kaibigan ko bakit iisang tao lang ang nakikita ko sa screen ng cellphone ko. Ilang minuto pa ang lumipas ng mapagtanto kong kailangan palang ihold tapos swipe left or right ang screen para pumunta sa susunod na tao. Wag mo nanaman akong husgahan, may idea naman ako kung paano ang technicalities ng dating app. Mga isang oras din ako nag-swipe swipe tapos natulog na ako.
Pagkagising ko may nakita akong notification "You found a match".
0114192120

















