Akala ko okay na ko. Akala ko hindi na ko nasasaktan. Akala ko wala na kong pakielam. Akala ko, sapat na ang gumising araw-araw at patuloy na lumaban. Kahit sukang suka na sa mundo. Sukang suka na sa mga paghihirap na hindi ko naman ginusto. Hirap na hirap hanapin angs sarili sa mundo. Pero mali. Mali pala ako. Isang salita, isang haplos, isang panibagong pakikitungo, bumabalik at bumabalik ako sa simula.
Sa simula na takot makipag-usap sa iba. Sa simula na kada salitang binibigkas, humihikbi, nasasaktan, na para bang pagod na pagod kahit hindi umiimik. Na bigat na bigat sa lahat ng dalahing hindi na kaya pang buhatin na kahit anong pilit, bumabalik sa mg araw na ang tanging nagagawa na lamang ay humiga. Humiling na sana matapos na lahat. Umiyak.
Akala ko okay na ko. Akala ko kaya ko na. Akala ko kaya ko na harapin ang mundo na may ngiti, na kaya ko nang harapin ang lahat na alam ang halaga ko at hindi na magpapaapi pa sa mundong ang tanging dala lamang ang sakit. Akala ko okay na ako. Pero bumabalik ako sa panahong, ni oras ay hindi alam. Ni mga kaibigan ay hindi alam ang nararamdaman. Na kahit pamilya ay hindi malapitan.
Akala ko okay na ko. Akala ko lang pala lahat.













