Kalayaan
Halos magdadalawang buwan na ring nakakulong si Eyeball. Noong unang dating niya sa bahay, siyempre, halos walang mapaglagakan ang aking kaligayahan. Araw-araw akong bumibisita sa kaniya, palaging may bitbit na pagkain, may pabaon din akong inumin. Sa tuwing sisilipin ko siya at aksidenteng magkakatagpo ang aming tingin, tila nangungusap ang kaniyang mata. Nagnanais na siya'y palayain. Ramdam ko ang pakiusap na iyon kahit pa hindi siya nakapagsasalita. Kung minsa'y maraming nasasabing salita ang pananahimik basta marunong kang makiramdam. Ilang linggo matapos ang tagpong iyon nagtungo ako sa lugar na maaaring pagbilhan ng bagay na alam kong makapagpapalaya sa kaniya sa kulungan. Kulay pula ang napili kong kulay. Pagkauwing-pagkauwi ko sa bahay, mabilis kong iniabot kay tatay ang pulang bagay na aking binili. Sabi ko, pakawalan na niya si Eyeball at iyon na lang ang ilagay sa kaniya. Wala pang ilang sandali'y sinunod ni Tatay ang bilin ko. Pinalaya niya si Eyeball. Galak na galak ito. Pati ako, tuwang-tuwa. Ang huling wika na lang sa akin noon ni Tatay, kung ang tao nga nagnanais makalaya, 'yang aso mo pa kaya? Sino ba naman ang sasaya kapag nakakulong di ba? Bigla na lamang namayani ang katahimikan sa aming paligid.















