The Purge: Pinoy Edition
Isa akong Guro sa Senior High School at nagtuturo ng Introduction to Ethics sa mga mag-aaral sa Grade 11. Sa subject na ito’y madalas naming pag-usapan ang mga batas, karapatang tao, moralidad, at iba pang mga usapin na may kinalaman sa pagiging tao ng isang tao, kung anu-ano ang naghihiwalay sa kanya sa ibang nilalang.
Minsan habang inihahanda ko ang aking klase sa paksa ng Law and Freedom, nagkaroon kami ng preliminary activity kung saan ay magsasabi sila ng mga bagay na dapat ay mayroon ang isang tao, particularly silang mga teenagers, para masabing sila ay tunay na malaya. May mga matatalinong sagot at may mga kakatuwa din. Ngunit mas nagmarka sa akin ang mga sagot na kung hindi gagabayan ay magkakaroon ng masamang implikasyon at epekto sa kanilang mga pananaw:
May mga nagsabing dapat ay wala na raw mga patakaran at batas sa paaralan katulad ng wastong uniporme at maaaring lumabas ang isang estudyante sa campus anumang oras ang kanyang gustuhin. Sa madali’t sabi ay mas gugustuhin nila na gawin kung ano ang kanilang nais dahil dito sila mas magiging masaya. Dahil dito sila mas malaya. Na ang kalayaan ay ang paggawa ng anuman ang gustong gawin.
Isang napakadelikadong pag-iisip.
Natural na pasaway ang mga kabataan. Halos lahat naman siguro sa atin ay dumaan sa “phase” kung saan ay sakit ng ulo tayo ng ating mga magulang – dahil ayaw nating sumunod sa kanilang mga tagubilin, pangaral, at itinakdang mga patakaran. Bakit nga ba kailangan pa ng batas? Hindi ba nililimitahan ng batas ang kalayaan? Hindi ba may kontradiksyon ang Law at Freedom?
Isa sa mga paborito kong halimbawa kapag ganito ang aming paksa sa silid-aralan ay ang pelikulang The Purge. Sa istorya ng pelikulang ito, taon-taon ay may kalayaan ang mga mamamayan sa loob ng 12 oras na gawin ang gusto nilang gawin – kahit ang pagpatay. Ito ay kapalit ng isang buong taon na payapa at walang krimen. Walang emergency personnel o Gobyerno ang tutulong sa iyo. Walang batas na umiiral. Malaya ang lahat sa gusto nilang gawin.
Isang napakalaking kabalintunaan sapagkat ang batas dapat ang nagpo-protekta sa ating kalayaan.
Mainit pa ring usapin ang extrajudicial killings (EJK) o ang pagpaslang sa mga (pinaghihinalaang) nagkasala sa batas na walang nakamit na patas na paglilitis o kahit anumang prosesong legal. “Extra Iustitia” sa salitang Latin na ang ibig sabihin ay “outside justice”. Walang hustisyang umiiral. Parang sa pelikula lang na The Purge. Ganoong kasimple. Kaso hindi ito pelikula. Nangyari at patuoy na nangyayari ito sa tunay na buhay.
Sapat bang dahilan na bilang kapalit ng katahimikan, kaayusan, at kapayapaan sa lipunan ay patayin na lamang nang walang pakundangan ang mga (inakusahang) nagkasala? Hindi ba’t isang napakalaking pag-uuyam na para mabawasan ang krimen ay gagawa pa ng isang krimen? Tama nga ang isang akda na nabasa ko noon: sa pagpatay sa mga pumapatay ay hindi nababawasana ang bilang ng mga pumapatay.
Bilang Guro na nagtuturo ng Ethics sa mga kabataan, pilit kong ipinapaintindi sa aking mga estudyante ang dignidad ng bawat tao sapagkat lahat tayo ay may buhay, lahat ay may Human Rights – kriminal ka man o biktima, mayaman man o mahirap, babae man o lalaki. Walang itong pinipili at walang diskriminasyon.
“Every Saint has a past, every sinner has a future”, ika nga. Tunay nga naman. Si San Pablo (na may-akda ng karamihan sa mga Kasulatan sa Banal na Aklat) ay si Saul na umuusig at pumapatay sa mga Kristiyano bago nakilala si Kristo. Si San Agustin (na isa sa mga Dakilang Pantas ng Simbahan) ay babaero, lasenggero, sugarol, at sakit ng ulo ng kaniyang ina na si Santa Monica bago nagbago matapos marinig ang sermon ni San Ambrosio.
Isipin mo na lang kung hindi sila binigyan ng pagkakataong magbago, nabago din kaya nila ang takbo ng mundo?
May karapatan tayong mabuhay at habang nabubuhay, may karapatan ang isang taong magbago. Bilang isang Historical Being, ang istorya ng isang tao ay hindi nagtatapos sa kung ano siya noong nakaraan at ano siya ngayon – dahil meron pa siyang kinabukasan.
At ang mga katotohanan na ito ang nagbibigay kahulugan sa pagiging tao nating mga tao. Dahil kung hindi ay ibababa natin ang ating sarili sa lebel ng mga hayop.
Sa lebel ng mga nagpapatayan nang walang pakundangan. Katulad ng mga karakter sa pelikulang The Purge.












