Graveyard Shift
pagpatak ng alas-siyete, aalis ka
kilala ka na ng mga barker ng jeep
na pare-parehong pagod sa biyahe
mga noong nakakunot, mga pangang
matitigas at mga kalyadong kamay
“dalawa pa, dalawa pa”
at sasakay ka, dahil kailangan mo nang pumasok
uupo sa madalas na pwesto,
sa dulo ng jeep
para makita ang iba’t-ibang ilaw
at marinig ang alingawngaw
ng inaantok na siyudad
walang mintis ang pagkanta ng ale, di mo alam
kung lasing ba o may hinanakit lang sa mga tao
nasaan ang baril kapag kailangan mo?
wala ring mintis ang away sa kalye ng mga barumbadong
sinapian na ng espiritu ng alak na nagtatalo
kung mananalo ba si duterte o papatusin si binay
duterte nalang daw,
dahil marunong gumamit ng baril
walang mintis ang mga solvent boys sa gilid ng 20th avenue
nakapormang bilog ang mga bata, akala mo’y
naglalaro ng “bubuka ang bulaklak”
pero iba pala ang ibubuka -
isang plastic, tila sumasamba sa diyos
kanilang mga namumugtong mga mata at
lalamunang uhaw para sa milagro ng rugby
walang mintis, walang mintis
ang mga sukbit na bote’t dyaryong guwardiyado
tila buong buhay ay nakasalalay
konting barya para makabili muli
sapat na'ng kalakal ang nakasabit,
wag lang sa baril kakalabit
paulit-ulit ang mga nakikita sa dalawang taon ng
pagsakay mo sa torpedong dyip
na may bukas sinding pulang ilaw
at sirang “pull hir 2 stop,”
paulit-ulit
ulit-ulit
patay-sindi
ulit-ulit
at sa loob ng dyip na dosehan daw
pero bakit dalawa ang kalahati lang
ng pwet ang nakaupo
at sa loob ng dyip na madilim
na paulit-ulit ang nangyayari
ay may bago
may anino ng diyosa na nakaupo
sa gitna ng dyip at nakatingin sa kawalan,
kahit hindi maaninag ang mukha
ay nakakaakit ang balingkinitang katawan,
ang yabong ng dibdib na yakap ng pulang blusa
at mga brasong nais ko sanang ipulupot
mo sa akin
nang mabilis na kumabig ang dyip sa kanto
ay nawala ka sa balanse, mga kamay na
naalis ang kapit sa mahaba’t, matigas
na metal, inayos mo ang iyong buhok
at naaninag ko ang singkit mong
mga mata na mas lalo pang
sumingkit noong nailawan ng cellphone
ang iyong mukha
naaninag ko na
ang ganda mo, ikaw ang tanging ilaw
sa dyip na mapanglaw
naaaninag ko na
ang mga kamay
na hinihimas ang metal
sa bintana
pero hindi ito sayo
naaaninag ko na
ang mga kamay
at hinablot ang cellphone mo
at biglang nawala ang postura mo,
na-praning ng ilang segundo at bumaba
sa dyip, walang sumunod sa iyo mula
sa jeep na dosehan at may dalawang kalahating pwet
humingi ka ng saklolo sa mga batang hamog
na tinawanan ka lang
at humarurot ang torpedong dyip
iniwan kang mag-isa sa kalsadang masukal
di man lang ibinalik ang bayad
paulit-ulit
ulit-ulit
patay-sindi
ulit-ulit










