Masarap yung Vcut na barbecue flavored tsaka yung spicy barbecue; kahit naman yung onion and garlic. Pero gusto ko talaga nung cheese flavored. Kaso wala naman akong makita. Once, natikman ko na siya. Noong bumili ako sa tindahan at nagkataon na meron. Meron palang cheese flavored na Vcut. Hindi ko alam, wala akong idea na nag-eexist pala yun. Parang yung mga "the one" natin. Akala mo wala, akala mo hindi nag-eexist. Yun pala, rare sila. Nasa Puregold, wala sa SM Supermarket.Â
Okay ka naman na dun sa barbecue, sa nandyan, kaso may kulang. Minsan, may mga pagkakataong ipapatikim sayo yung cheese flavored. Tapos magkakamali ka ng desisyon kaya mauubos mo. After nun, magsisisi ka. Kasi mahirap palang humanap ng ganun, maiisip mo na sana tinipid mo. Sana, ninamnam mo. Sinulit. Pinahalagahan. Akala mo kasi nasa suking tindahan lang siya. Yun pala nasa mga lugar na di mo inaasahan. Pag minalas ka pa, out of stock. Nakuha na nung mga taong marunong magtipid at magpahalaga. O di kaya naman, napakyaw na nung mga taong adik sa chichirya.
Bigla mong makikita yung Piattos. Mas maraming flavor at higit sa lahat, may cheese flavored. Binili mo, binayaran. Sabi mo, "Sige, pwede na 'to," para lang ma-satisfy yung cravings mo sa cheese. Tapos, hindi mo pala type yung pagka-cheese niya. Masyadong maalat, nakakasawa. Parang yung pagsesettle mo dun sa nanligaw sayo. Sabi mo, pwede na yun kesa walang lovelife, at least may nagpapakilig sayo. Kaya lang, di naman pala siya yung klase ng tao na hinahanap mo. Gusto mong ibalik, kaso non-refundable. Wala kang ibang magagawa kundi ang ubusin. Sagarin siya, kahit na alam mong makakasakit ka.
Bigla mong madadaanan yung Clover. Nakakaakit yung packaging, mukha kasing cheesy talaga. Bumili ka ng isa. Tapos tinikman mo, sabi mo, "Parang mas okay 'to, di masyadong cheesy, saktong may lasang cheese lang," bago mo maubos, bumili ka ulit. Tapos isa pa, hanggang sa dumating yung point na wala ka nang ibang binili kundi Clover. Kapag wala kang ibang pagkain na maisip, puro Clover. Dahil ayaw mo nang humanap ng iba, Clover nalang. Parang nung pinili mo siya, akala mo siya na. Kasi sakto sa panlasa mo, pero habang tumatagal na-realize mong hindi pala ganun. Kasi nasanay ka nalang na nandyan siya. Siya kasi yung readily available lagi. Hindi kagaya nung Vcut na mahirap hanapin, hindi kagaya nung Piattos na nakakasawa. Hindi ka na nag-grow. Hindi ka na nagkaroon ng chance na makapag-explore kasi sabi mo, "Siya naman yung laging nandyan," saka mo lang naisip na maraming stock ang Clover sa mga groceries lagi. Kasi common siya. Maraming bumibili at kumakain nun dahil "sakto" nga siya sa panlasa. Parang siya, marami ngang taong katulad niya. Na-stuck na sayo na sanay na nandyan siya, yung gusto mo lang siya kasi siya na yung nasa iyo, parang no choice.
Along the way, bigla mong nakita yung Pringles. Gusto mong itry. Kaso nakita mo yung presyo, medyo mahal. Sabi mo, "Next time nalang, may clover pa naman sa bahay," pero every time na dadaan ka sa grocery, lagi kang nacucurious kung ano bang lasa nun. Hanggang sa dumating ang tamang panahon, afford mo na siya. Bumili ka, excited kang kainin. Pagbukas mo, siksik. Walang excess na hangin. Hindi katulad nung Vcut, Piattos at Clover. Hindi ka nadaya. Buo ang pagkatao niya, mahal niya ang sarili niya. Tinikman mo, tapos sabi mo, "Masarap," sobrang sakto sa panlasa mo. Yung cheesiness na iniisip mo, parang sumwak sa lasa niya. Unconsciously, naisip mong siya na. Siya na yung favorite mong chichirya. Siya yung klase ng cheese na titipirin mo, na nanamnamin mo at iingatan mo. Siya yung cheesy na hindi ganoon karami ang bumibili kasi nga mahal, pinaghihirapan bago makuha, at nakukuha sa tamang panahon. Siya yung klase ng taong hindi mo ipapanic buy kasi alam mong hindi siya katulad ng iba na mawawala nalang basta. Kasi para sayo siya. Buong buo, walang labis, walang kulang. Buo ang pagmamahal sa sarili, kaya buong pagmamahal rin ang kayang ibigay. Nasabi mo nalang sa sarili mo, "Worth the wait."