“Ang Mga Ala-Ala Sa Dapithapon”
Nagkamali ako, oo nagkamali ako na iwanan ka na ipagtulakan ka na balewalain ka.
Nagkamali ako na hindi ka mahalin ng buo, nagkamali akong sumuko ako. Nagsisimula palang tayo pero bakit ang katapusa’y sinusundo na ako. Patawad
Patawad sa mga salitang aking nabanggit, na alam kong masasakit.
Patawad dahil hindi ko napatunayan na tama ako, na tama akong iwan ka. Hindi ko napatunayan na kaya kong makita ka na may kasamang iba, na may kausap kang iba, na may mahalin kang iba, patawad dahil dahil ko kayang makita ka na masaya sa kanya.
Oo, dinadala ko hanggang ngayon ang mga sakit na dapat ikaw ang nakakaramdam, na dapat ikaw ang nasasaktan.
Ngunit, tadhana’y mapanlinlang tila ba’y lahat ng sakit na dapat sayo’y sa akin nagpaparamdam.
Patawad sa lahat ng aking nagawa, patawad sa lahat ng aking mga salita.
Mahal. Oo mahal, mahal pala kita, sa paglipas ng panahon oo minahal pala kita mahal, minamahal pala kita.
Mga salitang hindi nabigyan ng pagkakataong mabangit, Mga salitang sayo'y ipinagkait, Mga salitang dapat mong marinig, ngunit paano.
Paano ang mga salitang ito’y mapasaiyo, may magandang rason pa ba para ito’y masabi sayo.
Kung ang mga salitang ito ay binaon na ng panahon sa kanyang himlayan na matagal ng kinalimutan, kung ang mga salitang ito ay kinulong sa apat na sulok, ang mga salitang naagnas at nabulok ng panahon.
Kung may kakayahan lang akong buhayin ang mga salitang matagal ng patay.
Ngunit katulad ng mga mahal natin sa buhay na pumanaw, ang mga salitang mahal kita ay kailanman hindi na maiibalik pa.
Patawad, kung hindi ko na kayang ibalik ang mga paro paro sa iyong tyan dulot ng aking mga ngiti. Patawad, kung hindi na ako ang iyong mahal na ipinaglaban mo noon. Patawad kung wala akong lakas mahalin ka noong mga panahon na ang mga labi mo’y pangalan ko ang ibinubuka. Patawad sa mga panahon na ang puso’t isip mo’y sa akin nakatuon. Patawad
Mahal, patawad kung sinasabi kong nasasaktan ako sa mga nakikita ko, sa mga naririnig ko, sa mga nababasa ko tungkol sayo, tungkol sayo at sa ngayon mo.
Patawad kung hinayaan kong magkaron nang sya na dapat tayo, patawad dahil hindi ko pala kayang marinig na mayroon ngayon kayo at wala na ang dating tayo, patawad kung nadudurog ang puso ko na mabasa ang mga salitang mahal kita. Dahil alam kong ito’y hindi na para sa akin at ito’y para sa kanya na.
Kailangang kong tanggapin ang parusa sa laro ng mapaglarong tadhana. Sa laro na minsang bumuhay sa ating dalawa. Sa laro na minsan tayong pinasaya. Ngunit alam kong darating ang panahon at tadhanay susubukin ako, matatalo ako at parusa’y tatanggapin ko.
Ngunit katulad ng pagtangap mo sakanya
Kailangan kong tanggapin na ang salitang tayo ay hanggang dito nalang. Ang mga ala-ala ng tayo ay hanggang dito lang.
Dahil kung kaya mong maglakad ng walang ako, kaya kong tumakbo ng walang ikaw. Dahil, kung kaya mong kalimutan ang tayo ang alaala ko, ang alaala na meron tayo. Kaya ko din, kakayanin ko din.
Hindi dahil sayo, kundi para sa pagkakamaling nagawa ko, sa mga desisyong nagawa ko, sa mga pagkukulang ko sa laro at sayo.
Kung ang mga alaala mo ay parang mga bulaklak na sa paglipas ng oras at panahon ay unti unting nalalagas, bitbit ko ang mga tuyong bulaklak, bitbit ko ang mga alaalang pilit mong kinalimutan. Bibit-bitin ko hanggang sa katapusan.
Dahil kung ganun mo kabilis kalimutan ang ako, ganun ko kabagal kalimutan ang mga alaala ng tayo ang mga alaalang sabay nating binuo.
Marahil ang laro na aking sinimulan ay hindi pa tapos sa “nawala ang ikaw” maglalaro pa ako, makikipagsapalaran, tataya sa sugal. Lalaban pa ako sa mapaglarong tadhana. Kahit gasgas na ang aking mga paa at nagdurugo na ang aking mga kamay, alam kong hindi pa ito ang katapusan at hindi pa ito ang huli. Ito’y simula pa lamang. Ang laro na ating sinimulan ay sisimulan ko ulit kahit na ang natira ay “ako nalang”