Puro lang AKO kaya walang TAYO
Diba may salamin ka naman sa mata? Pero, bakit hanggang ngayon hindi mo pa din ako makita. Alam mo bang ang sakit-sakit na? Hindi. Mali. Ang sakit pa din pala. Sa pagkakatanda ko noon sa 9gag ka lang sumasaya. Pero bakit ngayon mukhang hindi na? Mayroon ka na nga bang gustong iba? Kaya palagi ka nalang nakatigil sa Maynila? Napapansin ko panay na ang mga post at tweet mo. Samantalang hindi mo man lang malike ang pictures ko. Alam mo bang humanap pa ako ng magandang anggulo? Makuha lamang ang atensyon mo? Isang beses, kinapalan ko na ang mukha ko at inimbita kita. Nalungkot ako nung sabihin mong di ka makakapunta. Pero laking gulat ko noong debut ko na, Sa lahat ng bisita ko, ikaw pa ang nauna. Gusto ko lang sanang itanong sayo? Ano bang gayuma ang dala mo? Bakit pati kaibigan at pamilya ko, Aprobado at lagay ang loob sayo. Panay nga pala ang tanong sa akin ng pamilya ko. Kung kamusta na daw tayo. Alam mo ba kung ano ang sagot ko? Sambit ko'y "wala namang tayo." Noon ko ulit napag-isip-isip at napagtanto. Nga pala, wala nga palang tayo. Hindi naging tayo at hindi magiging tayo. Sapagkat ang salitang tayo ay wala sa bokabularyo mo. Paulit-ulit itong bumubulong sa isip ko. Nakakarindi, nakakasawa, at nakakapagod pala. Walang tayo, walang tayo, walang tayo. Dahil puro lang ako kaya walang tayo Alam mo bang habang sinusulat ko ito ay natatawa ako. Dahil naisip ko kung ano pa ba ang saysay nito. Siguro naman, sapat na ang halos limang taon na inilaan ko. Para maramdaman at malaman mo ang nadarama ko sayo. Pero nandito na din naman ako. Gusto kong gamitin ang pagkakataon na ito upang malaman mo. Na nagpapasalamat ako sa iyo. Nang dahil sayo ako ay natuto. Pero sa pagkakataong ding ito, gusto kong bigyang linaw. Tanggap ko na, na kahit anong gawing tanaw. At kahit gaanong ka-positibo ang aking pananaw. Hindi mabubuo ang tayo kung puro lang ako at walang ikaw.














