Kapag Minahal Ka ng Isang Manunulat
51/366 đ¸04đš13đ¸16đšwritten by @misschararat
Kung sa tingin mo, hindi ka pa niya naisusulat, nagkakamali ka.
Kung sa tingin mo, wala kang espasyo sa mga pahina ng buhay niya, nagkakamali ka.
At kung iniisip mo na maliit lang ang papel mo sa buhay niya, nagkakamali ka.
Dahil hawak mo ang dulo ng kanyang panulat.
Hawak mo ang bawat pamagat ng kanyang istorya, ang bawat salita na nakasulat sa kanyang nobela.
Ikaw ang nakapintang imahe sa halos lahat ng tula na kanyang isinulat.
Ikaw ang magiging sentro ng kanyang pagsusulat dahil nasa'yo ang puso niya,
ikaw ang inspirasyon niya at magsusulat siya na galing sa puso niya.
Kapag minahal ka ng isang manunulat..
Paulit-ulit niyang i-uukit ang mga letra ng iyong pangalan sa bawat pahina ng kanyang kwaderno.
Ike-kwento niya kung papaano mo siya napapaisip ng magagandang bagay.
Dadakpin niya ang mga pagkakataong magkakabuhay ang kanyang isipan, kung paano ito umikot at huminga sa 'twing ikaw ay kanyang kinakausap.
Iisa-isahin niya ang masasayang kwentuhan at matatamis na palitan ng mensahe sa pagitan ninyong dalawa, kung papaano siya namulat sa mga bagong bagay na dati ay hindi niya inaakalang matututunan niya.
Ide-detalye niya ang iyong mga mata.
Kung papaano ito mabilis na nakikiayon sa ritmo ng iyong mga labi kapag ikaw ay nagiging masaya; kung papaano ito nagiging singkit kapag ikaw ay tumatawa; o kung papaano ang mga ito pumikit-pikit kapag pinipigilan mong makatulog at kung papaano ang bawat titig mo sa kanya ay nagbibigay ng sa kanya ng panibagong pagtitiwala sa sarili.
Ike-kwento niya sa mga pahina ang iyong mga kamay.
Gaspang man o malambot, ito ay kanyang gabay.
Sasabihin niya kung gaano kahigpit ang hawak ng mga daliri mo sa mga daliri niya; kung papaano mo siya hagkan para maging mas magkalapit kayo; kung gaano mo siya inaaalagaan kapag magkasama kayo at kung gaano ka banayad ang mga haplos mo sa kanyang mukha.
Ike-kwento niya lahat ng pagkakataong hahawakan mo ang kanyang mga kamay.
Isusulat niya ang iyong mukha.
Kung gaano ka-nakakagigil kapag ikaw ay nagpapatawa; kung papaano mo sirain ang ekspresyon ng mukha para lang siya ay mapatawa; kung gaano ka-kinis ang iyong mga pisngi; kung gaano ka tangos ang iyong ilong at kung gaano ka-tamis ang iyong mga ngiti. Isusulat niya ang bawat detalye ng iyong mukha.
Ibabahagi niya kung gaano siya ka-saya.
Kung papaano mo pinapalabas ang tunay na pagkatao niya kung saan pwede siyang tumawa ng malakas hanggang sa sumakit ang tiyan niya; kung gaano ka-saya sa 'twing kayo ay magkasama; kung gaano ka-ganda ang gising niya sa umaga sa 'twing biro mo ang kanyang unang naririnig at kung papaano nagmistulang circus ang kanyang buhay simula nung naging kayo.
Ikakalat niya kung gaano ka-kabuti.
Sa mga salita niya, magsasabing ikaw ay napakamabait.
Kung gaano ka-sarap mahalin ng isang tulad mo; kung papaano mo siya alagaan at pahalagahan; kung paano mo siya panindigan at kung bakit ka niya mahal. Isusulat niya lahat ng tungkol sa'yo.
Sa dulo ng kanyang panulat at blankong papel,
aalalahanin ka niya gamit ang mga tula niya,
isusulat ka niya sa bawat pahina,
at papahalagahan ka niya sa lahat ng obra niya.
Kaya magtiwala ka,
maniwala ka na minsan isinulat ka na niya,
na minsan ay ang pangalan mo ay naging pamagat na,
o di kaya ang mukha mo ay isang linya na,
at ang mga tawa mo ay naging ritmo na,
maging ang pagkatao mo ay isang talata na.
'Wag kang matakot kung minahal ka na ng isang manunulat,
dahil sinisigurado ko, panghabang buhay ka nang mabubuhay dito sa mundo.
Dedicated to Sunrise P. <3