“Hintayan”
Sapat na sa akin na kami ay magkaibigan
Sa oras ng problema, ako'y kanyang naging sandigan
Sapat na mga oras na kami'y nagkakatuwaan
Tuwing mga masasayang alaala'y aming binabalikan
Wala naman na akong dapat pang ipaglaban
Nararamdaman ko'y akin munang iiwanan
Ibabaon muna sa aking madilim na nakaraan
Kung ang makita siyang masaya'y sapat naman
Hindi ko na kailangan pang gumawa ng paraan
Makakapaghintay kahit walang kasiguraduhan
Hanggang sa panahon na ako'y pagbigyan
Na ipakita sa kanya ang aking nararamdaman
Kundi man niya kabisado kanyang nilalakbayan
O nalilito man siya sa kanyang dinadaanan
Asahan niyang ako'y andito lang naman
Nakaabang lang sa kanya sa aking hintayan
At kung hindi man siya dadating kailanman
Alam ko namang lahat ng sakit ay may hangganan
Kung hindi man sa kanya ang aking hantungan, ‘di na ako lalaban
Kasi alam ko naman ding oras ko'y sa ibang tao ko na pala dapat ilaan
Mali pala siguro ang eskinitang aking nadaanan
Sinasabi ng aking utak ay hindi ko napakinggan
Mga tunay na nagmamahal sa aki’y aking nilayuan
Sa pagmamahal ko sa kanya'y ako'y nagbulag-bulagan
Ako'y nadala sa mga kilos at kasinungalingan
Mga salitang puno ng bulaklak at kahiwagaan
Mga salitang bumuo sa aking pagkatao
At siya ding dahilan ng pagkawasak nito
At kung sakaling ako ay mapagod man
Pag-ibig ay hindi ko naman agad susukuan
Magpapahinga na lang at uupo sa aking upuan
Baka sakaling ang tamang tao'y mapadpad sa aking hintayan
Photo taken by yours truly last February 19, 2017 in the Art Fair Philippines
Art Work: “Anytime Soon” by CJ Tanedo














