Batang Pagong
ni Sommer J. Buyante (straylight.ph)
Matingkad ang tinta ng bughaw sa kalangitan bago magdilim sa Purok Biolina sa bayan ng El Nido. Nakaupo kami sa gilid ng bagong sementadong daan. Sa ibaba nito ay naroon ang isang bahay na napailalim na ng itinayong mataas na kalsada. Halos bubong at bahagi ng bintana na lamang nito ang litaw mula sa aming kinatatayuan.
“Nagpapraktis na ba kayong magbasa?” tanong ko sa dalawang sampung taong gulang na bata. Sabay silang tumango. Puno ng tiwala. Tinanong ko kung ano ang tunog ng letrang B.
Katahimikan.
Sinundan iyon ng kanilang pagtawa, tila umaasang kapag nilakasan pa nila ay magiging nakakatawa rin ito para sa akin.
Sunod-sunod ang kanilang mga kwento, hanggang sa napunta ang usapan sa mga pagong.
“Yung ibang tao rito, kumakain ng pagong,” sabi ng isa sa kanila.
Napansin niya ata ang pagkagulat ko. Agad pa niyang idinagdag na sa kanal sa ilalim namin mismo nanghuhuli ng mga pagong ang ilan sa mga tao rito.
Itinuro niya ang umaagos na tubig sa ibaba ng daan. Binuksan ko ang flashlight ng aking cellphone at itinapat sa kanal.
Sa aming sorpresa, mayroon nga roong isang pagong.
“Masyado pang maliit ‘yan para kainin,” sabi ko, lihim na may pangambang baka hulihin nila ito at iuwi sa matatanda.
Ngunit tahimik lamang na tumingin ang dalawang bata sa pagong. Nakangiti sila. Maya-maya’y nagsalita ang isa:
“Ngayon lang ako nakakita ng natutulog na pagong. Ang cute pala.”
Bigla siyang lumundag pababa sa kanal.
Nagtago ito. Tanaw pala nila sa di kalayuan ang paparating niyang kuya, at ayaw pa niyang umuwi.
Tumayo na rin ako. Hinawakan ko ang pisi ng aking aso at nagpatuloy kami sa paglalakad sa ilalim ng noon ay madilim nang langit.











