Malaya
Malaya ka na nga ba? Ano ba ang konsepto mo ng malayang bansa? O malayang ikaw? Pag-isipan mo.
Malaya ka nang gawin ang lahat ng gusto mong gawin. Ganun din sila. Malaya na din silang gawin ang gusto nilang gawin sa iyo kahit na labag sa kalooban mo. Malaya mong makukuha ang gusto mo, at malaya din ang iba na agawin lahat ng ito sa iyo.
Malaya ang mga manggagawang kapos ang sweldo sa pang araw-araw dahil malaya ang mga nagpapasweldo sa kanila na abusuhin at linlangin sila.
Malayang manlaban at umiyak ang mga babaeng pinunitan ng dangal ng mga malayang rapist. Malaya na ang mga taong pinatay at nawala na lang bigla nang dahil malayang nagawa ito ng mga taong malayang kumitil ng buhay.
Malaya ang takbo ng gobyerno mo dahil malaya din silang nakakapang daya at nakakapanlinlang. Malaya kang magbayad ng buwis para lang malaya nila itong mailaga sa sari-sarili nilang mga bank account.
Malaya din ang mga kriminal at naglipanang snatcher at holdaper sa lansangan na malayang nakakapanlamang ng ibang tao sa pamamagitan ng malayang paggawa ng masama.
Malaya ang mga nagmamahal ng kapwa nila babae o lalaki. Malaya din silang babatikusin hanggang sukdulan ng mga kaparian na malayang mambaba ng dignidad ng tao sa pamamagitan ng relihiyon at kapangyarihan.
Malaya kang maniwala sa diyos mo. Sa diyos ko. At malaya ka din walang paniwalaan. Malaya din silang hikayatin kang itakwil ang paniniwala mo para ilipat ang mura mong isipan sa ibang pananampalataya.
Malaya kayong mga sawi sa pag-ibig na iniwan ng mga minamahal sa buhay dahil malaya silang magsawa sa inyo. Malaya kang maghinagpis dahil malaya din ang syota mong lokohin ka at ipagpalit ka sa ibang malayang babae o lalaki.
Malaya kang manakit ng sarili mong kapwa, malaya ka din masaktan dahil malaya din silang makakaganti. malaya kang maawa sa sarili mo kapag inapakan ang karapatan mo ng isang mas mataas, mayaman at maimpluwensyang malayang tao.
Malaya kang magtiis sa hirap at gutom kung ninais mong maging malayang palamunin at walang pakialam sa mundo. Dahil malaya kang pumili kung anong buhay ang tatahakin mo.
Malaya ang mga bayaning piniling magpapatak ng dugo sa lupang inaapakan mo para lang makamtan mo ang kalayaang ninanamnam mo ngayon.
Maraming malayang mababait. Pero mas marami ang mga tarantadong hanggang ngayon ay malayang nangingilid at nananamantala.
Binigyan tayo ng kalayaan para gawin ang mga bagay na ginusto nating gawin. Malaya ka din na isipin muna kung tama ba o mali ang gagawin mo sa sarili mo, sa kapwa mo, SA BAYAN mo.
Maligayang araw ng kalayaan.



