❗This photo is my original work (oil pastel on paper)
Pwede na ba ang tira?
By: Princess Charm Colibao Credo
Grade 12-Malikhain
Maingay ang buong paligid. Punong puno ang aming bahay ng mga dekorasyong na may iba't ibang kulay at maririnig ang tawanan ng aking mga kamag-anak. Kaarawan ko ngayon. Isang mahalagang milestone sa aking buhay. Bilang may kaarawan, nakaupo ako sa pinakadulo ng mahabang hapag-kainan, naghihintay at umaasa na sa pagkakataong ito, maramdaman ko ang tunay na selebrasyon.
Sa kabilang dulo ng mesa nakaupo ang aking Tito, sya ang pinakasikat at pinakapinapahalagahan sa aking mga kamag-anak. Hawak niya ang isang malaki, bilog, at napakagandang cake. Puno ito ng makukulay na frosting, mga disenyong gawa sa asukal, at dekorasyong nagsasabing "Happy Birthday Charm". Tinitigan ko iyon mula sa aking pwesto, para sa akin ang cake na iyon.
Ngumiti ang aking Tito at ipinasa ang cake sa kanyang katabi. Ngunit, bago ito ipasa, bumati muna ito saakin. Humiling siya ng swerte para sa akin habang dahan-dahang humihiwa ng maliit na parte ng cake at nilagay sa kanyang plato. "Para sa serbisyo," bulong niya sa sarili bago iurong ang bandehado.
Ipinasa niya ito sa kasunod. Ang tumanggap ng cake ay isang kamag-anak na kilala sa mabubulaklak na salita. Habang hawak ang kutsilyo, tumingin siya sa akin nang diretso sa mata, nakangiti na abot tainga.
"Huwag kang mag-alala, pamangkin!" wika niya nang malakas upang marinig lahat ng nakaupo sa mesa. "Gagawin natin lahat para maging maganda ang buhay mo ngayong taon. Tutulungan kita sa lahat ng kailangan mo, sagot kita!"
Subalit, habang binibigkas nya ang mga pangakong iyon, bumaon ang kutsilyo sa cake. Isang dambuhalang hiwa ang kinuha niya. Malaki, matakaw, at walang pag-aalinlangan. Inilagay nya ito sa kanyang plato, at kasabay ng kanyang pag-upo ay ang pagkawala ng orihinal na hugis at ganda ng cake.
Nagpatuloy ang ikot sa mahabang hapag. Bawat kamag-anak na humawak nito at may kani-kaniyang kwento, kani-kaniyang katwiran, at kani-kaniyang malakas na pagbati sa akin. Pero kasabay ng matatamis na salita ay walang humpay na pagbawas. Ang bawat hiwa ay mas malaki kaysa sa nauna. Ang bawat subo ng mga nakaupo ay tila mas matakaw. Ang mga makukulay na dekorasyong nagpatingkad sa ibabaw ng cake noong simula ay isa-isang naglaho sa mga plato ng mga taong nakaupo sa unahan at gitna ng mesa.
Habang papalapit ang cake sa dulo ng mesa, sa pwesto kung saan ako nakaupo, unti-unting nawawala ang ingay sa aking pandinig. Napalitan ito ng isang kakaibang bigat sa aking dibdib. Napanood ko kung paano ang mga taong dumalo sa aking kaarawan para "magdiwang" ay pumunta para lamang busugin ang sarili nilang mga tiyan.
Nang sa wakas ay makarating sa akin ang plato, biglang nanahimik ang hapag-kainan. Tumingin sila sa akin, naghihintay ng aking reaksyon.
Ang dambuhala, maganda, at pinalamutiang cake ay wala na. Ang natira na lamang sa harap ko ay isang kakarampot na piraso, isang basag na tinapay, may kaunting frosting na halos mumo na lang. Hindi ito sapat para makabusog. Hindi ito ang inaasahan kong cake na nakita ko sa kabilang dulo ng mesa.
Tiningnan ko ang maliit na piraso, pagkatapos ay tumingin ako sa kanila na kasalukuyan nang nanginginig ang mga panga sa pagnguya.
Huminga ako ng malalim habang inilulubog ang kandila sa kakarampot na cake at sinindihan...sana sa pag-ihip ko sa apoy na ito, hindi lang usok ang maiwan sa hangin, sana mapagtanto nila na ang tira-tira ay hindi pwedeng 'pwede na' dahil kailanman ay hinding hindi magiging sapat ang pwede na!
❗This photo is AI generated













