“O Inang Kalikasan, Kumusta ka Naman?”
Ayon kay Mahatma Gandhi, "Sapat ang lahat ng bagay sa mundo para sa pangangailangan ng tao, ngunit hindi sapat ang lahat ng bagay sa mundo para sa kasakiman ng tao.” Inang Kalikasan, alam naming mahirap, ngunit kumusta ka na nga ba?
Makabago na ang ating panahon ngayon, ngunit kasabay ng mga pagbabagong ito, ay ang mga epektong hindi kanais-nais na maaaring makasira sa ating mundo. Habang tayo ay nagbabago at umuunlad, unti-unting rin naming nagsisimula ang pagka-ubos ng mga likas na yaman ng ating kalikasan na siyang nagdudulot ng Climate Change—isang pandaigdigang problema na nakaamba sa atin araw-araw.
Ang Climate Change, sa madaling salita, ay ang labis at hindi normal na pagbabago ng temperatura ng ating mundo. Kaugnay rin nito ang matagalang pag-iiba ng panahon sa bawat lugar ng ating daigdig. Ang mga pangyayaring idinudulot nito ay inaasahang nakasisira at pangmatagalan, at tiyak na makakaapekto sa likas na estado ng ating mundo.
Ang isyu ng Climate Change ay patuloy na nangyayari ngayon, at hindi tuluyang matatapos hangga’t walang nangyayaring aksyon; hindi natin makakaila na ang dahilan ng problemang ito ay sariling gawa rin nating mga tao. Maraming ebidensya ang nagtatala na ang isyu ng Climate Change ay hindi isang pangyayaring likas sa ating daigdig, bagkus ay gawa ito ng mga mapaminsalang artipisyal na aktibidad. Ayon sa pinakahuling siyentipikong pagtatasa, nakumpirma na ang pag-init ng sistema ng klima noong kalagitnaan ng ika-20 siglo ay malamang dahil sa mga mapanirang gawain ng tao. Kabilang na rin dito ang pagtaas ng konsentrasyon ng greenhouse gases sa ating kapaligiran. Ilang halimbawa ng mga gawaing nagdudulot nito ay ang pagsusunog ng mga fossil fuels, pagbabago sa paggamit ng lupa, at pati na rin ang paggamit ng labis na aerosols.
Ang mga greenhouse gases ay isang materya na hindi hinahayaang makalabas sa atmospera ng mundo ang init na galing sa araw—gaya nga ng nabanggit, galing ito sa mga gawaing pantao gaya ng paggamit ng transportasyon at pagpapatakbo ng mga pabrika. Kapag patuloy na naipon ang mga greenhouse gases sa hangin, makakadagdag ito sa mga epekto ng Climate Change; mabubutas ang ozone layer na humaharang sa radiation ng araw, at hindi tatagal ay patuloy nang iinit ang klima ng mundo. Katumbas nito ang pagkatunaw ng yelo sa Antarctica, pagtaas ng tubig sa karagatan, paglubog ng mga lugar malapit sa dalampasigan, at pagdalas ng mga bagyo saan mang sulok ng mundo. Dahil dito, maaaring lampasan ng Climate Change and kapasidad ng mga ecosystem na mabawasan ang matinding mga kaguluhan sa kapaligiran, tulad ng mga wildfire, pagbaha, at tagtuyot.
Ang ating pagkawalang bahala sa pagbabago ng klima ay tiyak na maghahatid sa atin sa ating katapusan. Ayon sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa, dahil sa Climate Change, Magkakaroon ng kakulangan sa tubig sa buong mundo sa taong 2040. Kasabay nito ay pupuksain rin tayo ng pagbaba ng supply ng pagkain, pagkawala ng iba’t ibang uri ng hayop, at paglaganap ng mga nakamamatay na sakit. Pagsapit naman ng taong 2060, ang halaga ng kawalan ng pagkilos sa pagbabago ng klima ay hinuhulaan na aabot sa isang nakakagulat na $44 trilyon, na may pinakamataas na inaasahang pagkalugi ng GDP sa Middle-East, Northern at Sub-Saharan Africa, Timog Asya, at Timog-Silangang Asia. Sa ayaw man natin o sa hindi, inaasahan na pagkalipas ng tatlong daang taon, makakalbo na nang tuluyan ang mga gubat sa buong mundo.
Ang kasalukuyang pagbabago ng temperatura ng ating mundo ay nagdulot ng malalaking hamon sa mga tao, lalo na sa kapaligiran, ngunit walang mangyayari kung hindi tayo gigising at gagalaw tungo sa aksyon. Kung gusto natin makakita ng pagbabago sa ating mundo, matuto sana tayong simulan ito sa ating sarili bilang isang mamamayan. Upang makatulong sa paglutas ng isyu ng Climate Change, ugaliin nating alagaan ang ating Inang Kalikasan; makibalita, makilahok, at makiisa sa mga aksyon na susugpo sa mga problemang dulot nito. Maging mapagmatiyag tayo sa ating mga desisyon at iwasang gumamit ng mga bagay na nakakasira sa kapaligiran; maaari ring isagawa ang 3R’s, magtipid ng kuryente, hindi magsayang ng pagkain, at syempre, magsalita para sa kamulatan ng lahat. Tayo bilang mga tao ay madalas nakakagawa ng mga bagay na nakakapinsala sa ating kapaligiran, ngunit mayroon rin naman tayong kakayahan upang ito’y baguhin at ayusin. Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, maiiwasan natin ang paglaganap ng Climate Change, at mapananatili natin ang tamang takbo ng ating mundo.
Ang kalikasan ay ipinagkaloob sa ating mga tao, kaya dapat natin itong ingatan gaya ng pagtugon nito sa ating pangangailangan. Sana ay matuto tayo sa mga pangyayari ngayong kasalukuyang panahon, upang magkaroon tayo ng hinaharap kung saan tayo’y sabay-sabay aahon, at sabay-sabay babangon.
Inang Kalikasan, kapit lang, kami na ang bahala sa iyong kalusugan.














